Umabot sa 32 tons ng gulay mula Cordillera Region ang nailigtas sa posibleng pagkasira matapos maagap na maibiyahe bago tumama ang malalakas na ulan at pagbaha dulot ng Habagat at Typhoon Neneng, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Karamihan sa mga gulay ay Chinese cabbage at carrots na maagang dinala sa Pampanga at Silang, Cavite para maiwasan ang spoilage at pagkagambala sa supply.
“Sa katunayan, bago pa dumating ang mga bagyo, sa utos na rin ng ating Pangulo at Secretary Kiko [Tiu-Laurel], iyong mga gulay sa Cordillera about 32 tons na ang naibaba dito sa Pampanga, sa Silang, Cavite sa tulong ng mga DA truckers,” sabi ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel De Mesa.
Ayon kay De Mesa, nakatulong ang maagang pagbiyahe ng produce para manatiling sapat ang supply ng gulay sa maraming pamilihan kahit naging impassable ang ilang kalsada sa kasagsagan ng Habagat.
Bukod sa pagtiyak na makararating sa merkado ang mga ani, pinapalakas din ng DA ang storage capacity para maprotektahan ang gulay sa panahon ng matinding ulan, bagyo, at El Niño.
“Marami nang natapos and marami pang ongoing. Kailangan talaga ‘yung cold storage sa ganitong panahon na sobrang ulan at hindi makagalaw ‘yung merkado. You can expect na tuloy-tuloy ‘yung pagsasagawa nitong necessary infrastructure gaya nitong cold storage,” sabi ni De Mesa.
Nauna nang inanunsyo ng DA na pinahusay nito ang early-warning system para maagapan ang supply disruptions at crop spoilage at makapagbigay ng alerts tungkol sa paparating na harvests.
Magsisilbi itong pansamantalang tugon habang hinihintay ang mas malalaking cold storage at vegetable processing facilities.
“Our long-term solution is mega cold storage and vegetable processing facilities. We have set aside funds for 2027, and those facilities will be located beside the Benguet Agri Pinoy Trading Center,” sabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. /Bistado


