Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging responsable sa paggawa at pag-share ng AI-generated images na nagpapakitang nakasuot ng police uniform ang mga sibilyan, lalo na kung ipo-post ito online at maaaring mapagkamalang totoong pulis.
Ayon sa PNP, habang lalong nagiging realistic ang paggawa ng photos at videos gamit ang artificial intelligence (AI), mahalagang malinaw na tukuyin kung digitally generated o altered ang isang content.
Makakatulong umano ito para maiwasan ang kalituhan, maprotektahan ang integridad ng police uniform, at hindi magbigay ng maling impresyon na totoong police officer ang taong nasa larawan.
“AI is a useful tool, pero kailangan pa rin nating maging maingat sa kung ano ang ipinapakita at ipinapakalat natin online. Kapag police uniform ang ginamit sa isang generated image, dapat malinaw na hindi ito tunay na police personnel. Simple lang ang punto—enjoy the technology, but do it responsibly,” sabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Nilinaw ni Nartatez na hindi layunin ng paalala na pigilan ang paggamit ng bagong teknolohiya kundi hikayatin ang responsableng paggamit nito.
“Para sa aming mga pulis, ang uniporme ay hindi lang simpleng kasuotan. Kapag isinuot mo ito, dala mo ang isang tungkulin at responsibilidad sa taong-bayan. Kaya mahalaga na hindi ito magamit sa paraang maaaring magbigay ng maling pagkakakilanlan o impresyon sa publiko,” sabi niya.
Nagbabala rin ang PNP na maaaring magkaroon ng legal implications ang unauthorized use ng police uniforms o insignia, kabilang sa AI-generated content na inilalagay online.
Tinukoy ng PNP ang Article 179 ng Revised Penal Code, o Illegal Use of Uniforms or Insignia, kaugnay ng Section 6 ng Republic Act No. 10175, o Cybercrime Prevention Act.
Ayon sa PNP, magkakaiba ang circumstances sa paggamit ng AI technology, ngunit ang hindi malinaw na pag-label o pag-disclose na AI-generated ang isang image ay maaaring magresulta sa posibleng liability depende sa paraan ng paggawa, pagpapakita, at paggamit ng content. /Bistado


