Hindi maaaring singilin ng bangko ang depositor sa perang na-withdraw nito kung ang pagkawala ng pondo ay bunga ng gross negligence o matinding kapabayaan ng mismong bangko, ayon sa Supreme Court (SC).
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, ibinasura ng Third Division ng SC ang petition ng BDO Unibank, Inc. (BDO) at binigyang-diin na maaaring maituring na gross negligence ang hindi pagsunod ng bangko sa sarili nitong procedures.
Nag-ugat ang kaso nang magdeposito si Cristina Barcellano ng P151,200 regional check mula sa Landbank branch sa Albay sa kanyang BDO savings account sa Lucena City.
Nagkamali ang BDO teller at na-validate ang tseke bilang local check sa halip na regional check. Dahil dito, naging available ang halaga matapos lamang ang tatlong banking days sa halip na pitong araw.
Sa paniniwalang maaari nang gamitin ang pera, nag-withdraw si Barcellano ng P76,000.
Kalaunan, nakatanggap ang BDO ng stop payment order para sa tseke at hiniling kay Barcellano na ibalik ang pera. Pumayag siya ngunit hindi naibalik ang halaga. Tumanggi naman ang BDO na ilabas ang natitirang balance at nagsampa ng kasong estafa.
Kapwa pinawalang-sala ng Regional Trial Court at Court of Appeals si Barcellano matapos makitang walang fraud, deceit, o abuse of confidence sa kanyang panig at ang sariling kapabayaan ng BDO ang naging sanhi ng insidente.
Sa SC, iginiit ng BDO na kahit acquitted si Barcellano, dapat pa rin niyang isauli ang pera dahil kung hindi, magkakaroon ng unjust enrichment. Ikinatwiran din nito ang solutio indebiti, ang prinsipyong nag-aatas na isauli ang perang natanggap dahil sa pagkakamali.
Hindi pumayag ang SC.
Ayon sa Korte, walang unjust enrichment dahil hindi napatunayan ng BDO na tumanggap si Barcellano ng benepisyong hindi para sa kanya.
Hindi rin naipaliwanag ng bangko kung bakit nagkaroon ng stop payment order o napatunayang alam ni Barcellano na hindi mababayaran ang tseke. Sa halip, ipinakita ng ebidensya na nag-withdraw siya in good faith matapos mismong gawing available ng BDO ang pera sa kanyang account.
Tinukoy din ng SC ang serye ng pagkukulang ng bangko: na-credit ang tseke bago ito maayos na ma-clear, napagkamalang local ang regional check, at hindi natuklasan ang error hanggang dumating ang stop payment order.
Dahil dito, sinabi ng Korte na ang gross negligence mismo ng BDO ang naging sanhi ng pagkawala ng pera. /Bistado


