Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Singil sa kuryente, tataas ngayong March

Hindi lang basta temperatura ang tumataas ngayong buwan, pati singil sa kuryente!

Siguruhing nakainom na ng maintenance meds bago buksan ang bill mo sa kuryente ngayong buwan kasi mas mataas na electricity bill ang sasalubong sa’yo at sa marami pang consumer matapos magpatupad ng panibagong rate adjustment ang Manila Electric Company (Meralco). 

Inanunsyo ng Meralco nitong Martes, March 10, ang pagtaas ng singil sa kuryente ng P0.6427 kada kilowatt-hour o kWh ngayong Marso. Dahil dito, aabot na sa P13.8161 kada kWh ang kabuuang rate para sa tipikal na household mula sa P13.1734 kada kWh noong Pebrero.

Para sa mga residential customer na may tipikal na konsumo na 200 kWh bawat buwan, ang pagtaas ng singil ay katumbas ng dagdag na humigit-kumulang P129 sa kanilang kabuuang electricity bill ngayong Marso.

Ipinaliwanag ng Meralco na ang pagtaas ng singil ay pangunahing dulot ng paggalaw ng generation charge, ang bahagi ng bill na tumutukoy sa presyo ng kuryenteng binibili mula sa mga power supplier. Ito ang pinakamalaking bahagi ng kabuuang singil sa kuryente ng mga consumer.

Paliwanag ng kumpanya, nakaapekto sa pagtaas ng generation charge ang mas mataas na presyo ng kuryente mula sa wholesale electricity spot market o WESM. Ito ang pamilihan kung saan bumibili ng dagdag na supply ng kuryente ang mga distribution utilities kapag kulang ang supply mula sa kanilang mga kontrata sa mga power plant.

Kapag tumataas ang presyo sa spot market, tumataas din ang generation charge na kalaunan ay nakikita sa buwanang electricity bill ng mga consumer.

Kasabay ng pagtaas ng singil sa kuryente, inaasahan ding tataas ang konsumo ng enerhiya habang papasok ang mas mainit na panahon sa bansa.

Karaniwang lumalaki ang paggamit ng kuryente sa mga buwan ng tag-init dahil sa paggamit ng air conditioner, electric fan, at iba pang cooling appliances sa mga bahay at opisina.

Dahil dito, hinihikayat ng Meralco ang publiko na bantayan ang kanilang konsumo ng kuryente para makontrol ang kanilang electricity bill ngayong Marso habang nananatiling mataas ang demand sa enerhiya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles