Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Habagat, magpapaulan sa Luzon; Obet nakalabas na ng PAR

Magpapatuloy ang pag-ulan sa Luzon ngayong Martes, August 25, dahil sa southwest monsoon o Habagat, habang nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Typhoon Saudel, dating Obet.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Batangas at Rizal.

Maaaring magdulot ng flash flood at landslide ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa mga nasabing lugar.

Sa Weather Advisory No. 10 na inilabas alas-5 ng umaga, tinatayang 50 hanggang 100 millimeters ng ulan ang bubuhos ngayong Martes sa Benguet, La Union at Pangasinan.

Bukas, August 26, posibleng tumanggap din ng 50 hanggang 100 mm na ulan ang Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales at Bataan.

Sa Huwebes, August 27, kaparehong dami ng ulan ang inaasahan sa La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.

Nagbabala ang Pagasa na maaaring mas malakas ang ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Maaari ring lumala ang epekto nito sa mga lugar na nababad na sa mga naunang pag-ulan.

Ang natitirang bahagi ng Luzon ay makararanas ng pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog. Kaparehong lagay ng panahon ang inaasahan sa Visayas at Mindanao dahil sa localized thunderstorms.

Samantala, namataan si Saudel dakong 1,180 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 150 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 185 kph.

Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 20 kph. Bagama’t nasa labas na ng PAR, maaari pa rin nitong palakasin ang habagat at magdala ng ulan sa bansa.

Katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan ang mararanasan sa Luzon. Mahina hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang alon naman ang inaasahan sa nalalabing bahagi ng bansa. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles