Laba-laba na ngayong weekend, mga kabisto dahil mukhang papunta na naman tayo sa isa pang “wet” episode.
Habang medyo kalma ang panahon hanggang Sunday, sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na may high chance na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes, August 24, ang Typhoon Saudel, na may napakababang tsansang mag-landfall ngunit inaasahang magpapalakas sa southwest monsoon o Habagat.
Naka-full alert na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa banta ng panibagong malalakas na pag-ulan.
Lumakas mula severe tropical storm at naging typhoon ang Saudel dakong 8 p.m. noong Biyernes, August 21.
Ayon sa 4 a.m. bulletin ng Pagasa nitong Sabado, August 22, namataan ito dakong 3 a.m. sa layong 2,710 kilometro silangan ng Northern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 130 kilometro bawat oras malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 160 kilometro bawat oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Maaari itong makapasok sa PAR sa umaga o hapon ng Lunes. Sa kasalukuyang pagtataya ni Pagasa weather specialist John Manalo, tatawagin itong Obet kapag nakapasok.
“So by Monday, pagpasok ng PAR ito ay tatawaging Obet,” ani Manalo.
“Kahit pumasok man ito, umangat ng konti o lumapit sa kalupaan, sobrang baba ang tsansa na mag-landfall ito. Pero ang certain tayo ay palalakasin nito ang Habagat,” dagdag niya.
Sa ngayon, magdadala ang Habagat ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Cagayan, Zambales, Bataan, Tarlac at Pampanga.
Bahagyang maulap hanggang maulap na may isolated rain showers o thunderstorms naman ang Metro Manila, Calabarzon, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley at Central Luzon.
Mas mababa ang tsansa ng ulan sa maraming lugar ngayong weekend, ngunit inaasahang dadami ang ulap mula Linggo ng hapon. Sa Martes, maaaring lumawak ang maulap na panahon patungong Metro Manila, Mimaropa, Calabarzon at Western Visayas.
“Sa ating current assessment, hindi naman magiging kasing lakas nu’ng nangyari noong Monday although may enhancement ng Habagat. Pero nakadepende pa rin…” ani Manalo.
Kapag mas bumaba ang tatahaking landas ng Saudel, maaaring lumakas ang ulan. Kung aangat naman ito, posibleng mabawasan ang pag-ulan. Maaari ring tumagal ang epekto ng habagat kapag bumagal ang bagyo malapit sa hilaga ng bansa.
Bukod sa Saudel, naging tropical depression dakong 2 a.m. nitong Sabado ang dating Low Pressure Area 08h.
Dakong 3 a.m., namataan ito sa layong 1,195 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao. Taglay nito ang maximum sustained winds na 45 kilometro bawat oras at pagbugsong 55 kilometro bawat oras habang kumikilos pakanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.
Hindi inaalis ng Pagasa ang posibilidad na mauna itong pumasok sa PAR. Maaari rin itong kumurba palayo o mapasama sa mas malaking sirkulasyon ng Saudel at tuluyang humina.
Binabantayan din ang remnant low ng dating Tropical Depression Neneng, na huling namataan 735 kilometro hilaga-hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes. May medium chance itong muling maging tropical depression sa loob ng 24 oras, ngunit patuloy nang lumalayo sa PAR.
Samantala, nakahanda na ang Quick Response Teams at specialized equipment ng DSWD.
“Ang ating mga quick response teams sa central office at maging sa mga field offices, pati na ang mga ginagamit na specialized equipments, ay nakahanda na para tumugon sa inaasahang malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng habagat sa susunod na linggo. Kahit na bumubuti ang panahon ngayong weekends, nakaalerto pa rin tayo,” ani DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao.
Batay sa 6 a.m. report noong Biyernes, may 3,854,112 family food packs nang nakaposisyon sa buong bansa at P715.25 milyon sa quick response funds ang DSWD.
Umabot na rin sa P1.03 bilyon ang humanitarian assistance na naipamahagi sa 2,042,703 pamilyang naapektuhan ng mga naunang sama ng panahon. Sa Guagua, Pampanga, 970 food packs ang naipamahagi sa tulong ng San Pablo Chapel at Santo Cristo Chapel. /Bistado


