Dumarami na ang bilang ng mga ahensya ng gobyerno na nagpapatupad ng apat na araw na pasok sa isang linggo matapos mag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pansamantalang 4-day work week sa ilang tanggapan ng pamahalaan dahil sa pagtaas ng presyo ng langis dulot ng lumalalang tensyon sa Middle East.
Simula ngayong March 9, ipinatupad sa ilang opisina ng gobyerno ang compressed work schedule bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan para makatipid sa enerhiya at mabawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina sa mga tanggapan.
Una nang inanunsyo ni Marcos noong March 7 ang pansamantalang pagpapatupad ng apat na araw na pasok sa ilang tanggapan ng ehekutibong sangay ng pamahalaan.
“Para naman sa bahagi ng pamahalaan: Simula sa Lunes, ika-9 ng Marso, pansamantala nating ipapatupad ang four-day work week sa ilang tanggapan ng ehekutibo,” pahayag ng Pangulo.
Kasunod nito, naglabas ang Malacañang ng Memorandum Circular 114 na naglatag ng mga patakaran sa implementasyon ng direktiba. Saklaw ng order ang national government agencies, government-owned and controlled corporations (GOCCs), local government units (LGUs), constitutional bodies, state universities and colleges, at iba pang government instrumentalities.
Ayon sa memorandum, kailangan ang mahigpit na hakbang sa pagtitipid sa enerhiya sa loob ng pamahalaan. Nakasaad din sa circular na may agarang pangangailangan na bawasan ang energy footprint ng mga operasyon ng gobyerno at mas mapabuti ang paggamit ng pampublikong pondo.
Sa ilalim ng compressed workweek, apat na araw papasok ang mga empleyado ngunit mas mahaba ang oras ng trabaho sa bawat araw para manatiling buo ang kabuuang working hours sa isang linggo.
Kasabay ng bagong work arrangement, inatasan din ng Pangulo ang mga ahensya ng pamahalaan na bawasan ang kanilang konsumo sa kuryente at gasolina ng 10 hanggang 20 porsiyento bilang bahagi ng energy conservation program ng gobyerno.
Nilinaw din ng Malacañang na hindi saklaw ng pagbabago ang mga tanggapan na nagbibigay ng mahahalagang frontline services. Kabilang dito ang mga ahensyang may kinalaman sa health services, public safety, at emergency response tulad ng pulisya, bumbero, at iba pang emergency units.
Ilang tanggapan ng pamahalaan ang nag-anunsyo na ng kani-kanilang schedule ng apat na araw na pasok, kabilang ang Department of Budget and Management, Department of Finance, Department of Economy, Planning and Development, Presidential Communications Office, National Economic and Development Authority, at ilang tanggapan sa ilalim ng Office of the President.
May ilang GOCCs at attached agencies na rin ang nagpatupad ng katulad na setup bilang pagsunod sa direktiba ng Malacañang.
Kasama na rin ang LGUs sa nagpapatupad ng ganitong iskema.
Isa sa mga naunang nagpatupad ng ganitong setup ang pamahalaang lungsod ng Maynila, kung saan ipinatupad ang apat na araw na pasok sa ilang tanggapan habang patuloy na bukas ang mga frontline offices para sa mga serbisyong kinakailangan ng publiko.
Samantala, nagpahayag ng pangamba ang ilang sektor ng negosyo sa posibleng epekto ng compressed workweek sa pribadong sektor. Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry, mahalaga ang mas malawak na konsultasyon sa iba’t ibang industriya bago palawakin ang ganitong sistema. /Bistado


