Bumuhos ang patutsada ng netizens matapos ihain ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa Malacañang ang panukalang ₱2.3-bilyong Intramuros Forest Park, isang proyekto na naglalayong gawing pampublikong open space ang kasalukuyang Intramuros Golf Course.
Sa social media site na Reddit, naging tampulan ng diskusyon at kritisismo ang plano. Maraming netizens ang nagtanong kung ito ba ang tamang prayoridad para sa lungsod ng Maynila.
“Gagawing forest park tapos maniningil ng mas mataas na parking fee sa paligid. Lol. Ayusin muna ang Intramuros mismo,” ani ng Reddit user na si soxyboyy.
May duda din si Redditor Same_Engineering_650 sa halaga ng proyekto. “2.3B? Sobrang laking halaga non. Kayang kaya naman ata nilang gawing 500M park yan at maayos parin tas yung natitira gamitin sa ibang bahagi ng Manila. Kukurapin yan lang yan,” komento niya.
Ganito din ang pananaw ng Redditor na si Independent_Piano944, “I think dapat unahin magka industry sa Manila for work kaysa itong overpriced green space. Ok naman sana madagdagan green spaces sa Manila pero mas may use sana ang billions na yun para maelevate ang way of life ng mga Manileño through job creation na mas permanent.”
May ilan ding netizens ang nagsabi na dapat unahin ang mga kasalukuyang problema sa lugar bago maglunsad ng bagong proyekto.
“Kalokohan. Yung mga tricycle drivers jan di nga ma regulate presyuhan. Kawawa mga kapwa Pinoy na galing sa ibang probinsya na gusto lang makita ang Intramuros o Luneta pero naloloko jan,” ayon naman sa Reddit user na si PainterImpossible368.
Dagdag pa ng user na si SPeleven11, marami pa umanong kailangang ayusin sa Maynila bago magtayo ng panibagong proyekto.
“Isko labas ka lang ng office mo sa City Hall. Makikita mo ang dami na dapat unahing ayusin dun. Yung mga office ginawa ng sampayan, amoy ulam kasi may mga nagluluto,” aniya.
Isa pang isyung dapat munang unahin umano ang garbage collection. Ani user brightfame03, “Yung garbage issue muna tpusin uy!”
Nauna rito, pormal na iniharap ni Domagoso sa Malacañang ang conceptual design at gastos para sa Intramuros Forest Park noong Pebrero 23. Personal niyang ibinigay ang dokumento kay Executive Secretary Ralph Recto sa isang pulong sa Palasyo.
Sa kanyang liham para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Domagoso na ang proyekto ay bahagi ng tinatawag na Legacy Projects ng administrasyon at layong mapataas ang kalidad ng buhay ng mga residente ng Maynila.
Kalakip ng proposal ang conceptual design na ginawa sa tulong ng Asian Development Bank at ng global engineering firm na Arup.
Batay sa plano, aabot sa humigit-kumulang ₱2.3 bilyon ang kabuuang gastos para sa site development, park facilities, landscaping, at iba pang imprastraktura.
Kabilang sa mga bahagi ng proyekto ang Riverfront Promenade na maglalagay ng landscaped areas at picnic spaces sa gilid ng Pasig River. Magkakaroon din ng Campus Garden na may outdoor theater, playground para sa mga bata, at mga puwestong pagkain.
May plano rin para sa Gateway Park na magsisilbing landscaped entrance area, habang ang Urban Park zone ay magkakaroon ng sports areas, parking spaces, at viewing points para sa Pasig River.
Sa kabila ng mga planong ito, patuloy ang diskusyon sa social media kung ang proyekto ba ay isang mahalagang urban park initiative o isang mamahaling proyekto na hindi prayoridad sa kasalukuyang kalagayan ng lungsod. /Bistado


