Magtutuos ang Meralco at Barangay Ginebra ngayong 7:30 ng gabi Byernes sa huling laro ng PBA Governors’ Cup bago ang siyam na linggong pahinga para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers ng Gilas Pilipinas at Japan Asian Games
Walang import ang Group A leader NLEX sa pagharap sa Converge sa unang laro 5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Hinihinalang nagtamo ng complete fracture sa kanang binti ang NLEX import na si DeQuan Jones matapos bumagsak sa unang tatlong minuto ng third quarter noong Martes.
Gayunpaman, nanaig ang Road Warriors sa TNT Tropang Giga, 118-111, para manatili sa itaas (7-1).
Magpapahinga ang liga mula Agosto 15 hanggang Oktubre 6 para sa Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA qualifiers, na magsisimula Agosto 30 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, at sa Nagoya Asiad sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Tinalo ng Kings ang Bolts sa kanilang nakaraang paghaharap, 84-75, noong Hulyo 31. Parehong kapos sa mga pangunahing manlalaro ang dalawang koponan noon.
Wala sina Justin Brownlee at Scottie Thompson, kaya umasa ang Ginebra kina RJ Abarrientos at kapalit na import na si Riley Grigsby upang malampasan ang Meralco na madami rin injured na manlalaro.
Mula sa average na 11 puntos kada laro bago ang laban, sumabog si Abarrientos para sa season-high na 27 puntos sa 3-of-5 na shooting mula sa three-point range.
Nasa 2-3 ang Ginebra at 2-5 naman ang kulelat na Meralco sa Group B, kung saan top four ang Rain Or Shine (4-2), Magnolia (4-3), Phoenix (4-3) at Blackwater (3-3).
Top four lamang ang uusad sa quarterfinals.
Sa unang laro, lumaki ang tsansa ng Converge na masundan ang kanilang 120-103 panalo laban sa Terrafirma noong Martes at itaas ang 4-4 record.
Halos tiyak na sa unang puwesto sa crossover quarterfinals ang NLEX. Ito ang posibleng dahilan kung bakit tinanggihan ni coach Jimmy Alapag ang napabalitang plano na kunin ang import na pinakakawalan ng ibang koponan.
Nais umano ni Alapag na suriin muna ang mga pagpipilian.
“Mahirap din kasi na kumuha ka ng biglaan na kapalit and then hindi pala satisfactory kaya coach Jimmy is opting to take the time before choosing a replacement,” ayon sa isag source mula sa NLEX.
Tinalo ng NLEX ang Converge, 119-107, noong Agosto 1, nang umiskor si Jones ng game-high 28 puntos.
Sina Robert Bolick, Schonny Winston at LJ Gonzales ang inaasahang magdadala sa Road Warriors kontra sa FiberXers na pangungunahan nina import Cameron Clark, Justin Arana at Calvin Abueva.


