Isang lalaki na kabilang sa listahan ng regional-level most wanted person sa Rizal ang nadakip ng pulisya sa isinagawang operasyon sa Antipolo City.
Ayon sa ulat ng Rizal Police Provincial Office, naaresto ng mga tauhan ng Antipolo Component City Police Station ang suspek bandang alas-4:30 ng hapon noong March 7 sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo City.
Kinilala ng pulisya ang naarestong akusado sa alyas na “Nonoy,” 44 anyos, binata, construction worker, at residente ng Barangay Dela Paz sa nasabing lungsod.
Isinagawa ng Tracker Team ng Antipolo CCPS ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest laban sa suspek kaugnay ng kasong rape. Ang warrant ay inisyu ng Regional Trial Court Branch 100 sa Antipolo City.
Ayon sa rekord ng hukuman, walang inirekomendang piyansa sa naturang kaso. Dahil dito, agad isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang suspek matapos ang pag-aresto.
Dinala ang suspek sa Antipolo Component City Police Station para sa dokumentasyon at iba pang kaukulang proseso bago iharap sa hukuman na naglabas ng warrant laban sa kanya. /Bistado


