Matapos ang halos tatlong dekadang pagtatago, nahuli na ng Philippine National Police (PNP) ang isang 49-anyos na lalaking suspek sa kasong murder na matagal nang hinahanap ng mga awtoridad.
Dinakip si alyas “Jed” ng mga operatiba ng PNP sa Barangay Guirang, Basey, Samar noong Huwebes ng hapon, March 6, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noon pang November 9, 1998, o halos 27 taon na ang nakalipas.
Batay sa rekord ng pulisya, matagal nang nakabinbin ang kaso laban sa suspek habang patuloy siyang nagtatago sa mga awtoridad. Natapos lamang ang halos tatlong dekadang manhunt matapos matunton ng pulisya ang kanyang kinaroroonan sa Samar.
Ayon sa PNP, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng batas matapos ang pag-aresto. Dinala siya sa Basey Municipal Police Station para sa dokumentasyon bago iharap sa hukuman na naglabas ng warrant laban sa kanya.
Sinabi ni PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. na patunay ang pagdakip sa suspek na hindi nawawala ang pananagutan sa batas kahit pa tumagal ang panahon.
“Justice reaches everyone eventually, no matter how long they try to evade it,” pahayag ni Nartatez. Dagdag pa niya, “Laging may pananagutan ang sinumang lumalabag sa batas.”
Ayon sa PNP, naging mahalaga ang pakikipagtulungan ng komunidad para matukoy ang kinaroroonan ng suspek matapos ang mahabang panahon ng pagtatago. Bahagi ito ng Active Community Support na isinusulong sa ilalim ng PNP Focused Agenda, isang programa na naglalayong palakasin ang ugnayan ng pulisya at mamamayan para sa mas epektibong pagpapatupad ng batas. /Bistado


