Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Ormoc bagong katuwang sa grassroots sports development

Pinuri ng Philippine Sports Commission (PSC) ang lungsod ng Ormoc sa Leyte bilang huwarang katuwang na pamahalaan sa pagpapaunlad ng grassroots sports habang unti-unti nitong itinatatag ang sarili bilang umuusbong na sentro ng palakasan sa Silangang Visayas.

Ipinahayag ni PSC Chair Patrick Gregorio ang kanyang paghanga sa ambisyosong programa ng lungsod sa pagpapaunlad ng mga pasilidad sa palakasan matapos ang tatlong araw na pagbisita, kung saan kanyang nasaksihan ang lumalawak na mga lugar para sa mga kompetisyon at pagsasanay.

“Fantastic vision. Admirable passion. Shine, Ormoc sports,” ani Gregorio matapos dumalo sa turnover ceremony kasama sina Mayor Lucy Torres-Gomez at asawa na si Leyte 4th District Rep. Richard Gomez, at si Vice Mayor Carmelo Locsin Jr.

Kasama rin ni Gregorio ang mga PSC Commissioner na sina Fritz Gaston at Wawit Torres sa pangunguna sa turnover ng bagong boxing ring sa Ormoc City Sports Complex.

Dumalo rin sa seremonya sina Association of Boxing Alliances in the Philippines president Marcus Manalo at Karate Pilipinas president Richard Lim.

Tiniyak ni Gregorio sa mga opisyal ng lungsod ang buong suporta ng PSC sa programang pang-isports ng Ormoc.

“Thank you endlessly for the wonderful support from the PSC,” pahayag ni Mayor Gomez. “We all do what we can for each other in God’s garden. You are nurturing the seeds we have sown through the years. God bless all our efforts.”

Kabilang sa mga pangunahing proyekto ng lungsod ang pagtatayo ng mga pambansang training facility para sa sporting clays at modern pentathlon, gayundin ang mga naka-air condition na dormitoryo para sa mga atleta at coach.

Inaasahang matatapos sa huling bahagi ng 2027 ang Php110-milyong track-and-field facility sa Ormoc City Sports Complex sa Barangay Juaton.

Itinatayo rin ang mga bagong pasilidad para sa tennis, padel, BMX racing, badminton, pickleball, sport climbing, at combat sports bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lungsod na maging pangunahing destinasyon ng palakasan sa rehiyon.

Dahil sa patuloy na paglawak ng imprastraktura nito, ikinokonsidera ng PSC ang Ormoc bilang posibleng host ng 2028 Batang Pinoy National Championships, ang pangunahing grassroots sports competition ng bansa.

Iniharap ni Gregorio ang panukalang ito kina Mayor Gomez at Rep. Gomez sa Eastern Visayas Sports and Youth Summit, at sinabing nakahanda ang PSC na magbigay ng pinansyal na suporta sakaling mapili ang Ormoc bilang host.

“We want more national competitions to be held in the provinces so young athletes can compete at a high level without always traveling to Metro Manila,” ani Gregorio.

Ayon pa sa kanya, marami sa mga nangungunang atleta ng bansa ang nagmula sa mga lalawigan, kaya mahalagang ipagpatuloy ang pamumuhunan sa grassroots sports at pagpapaunlad ng palakasan sa mga rehiyon.

Malugod namang tinanggap ni Mayor Gomez ang posibilidad na maging host ng Batang Pinoy at sinabing handa ang Ormoc sa naturang hamon.

Dinaluhan ang summit ng mga kinatawan ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Silangang Visayas. Nagkaroon ng mga forum hinggil sa mahahalagang aspeto ng pagpapaunlad at pamamahala ng palakasan.

Tinalakay ni Manalo ang pinakamahuhusay na pamamaraan sa sports psychology, habang ipinaliwanag naman ni National Academy of Sports director Prof. Francis Diaz ang “Coaching for Success” at ang mandato ng akademya.

Kabilang din sa mga naging tagapagsalita sina Prof. Loujaye Sonido, na tinalakay ang paggamit ng social media sa promosyon ng palakasan; Randy Caluag, na nagsalita tungkol sa sports reporting sa digital age; Lim, na tumalakay sa epektibong pamamahala ng mga sports association at club; Gaston, na naglahad ng high-performance sports program ng bansa; at Dr. Alejandro Pineda, na nagsalita tungkol sa anti-doping sa sports.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles