Binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang Tropical Storm Nangka sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), habang patuloy na magpapaulan ang southwest monsoon o Habagat sa Occidental Mindoro.
Batay sa 10 a.m. update ng Pagasa nitong Miyerkules, August 12, namataan si Nangka alas-8 ng umaga sa layong 2,080 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon.
Taglay ng tropical storm ang maximum sustained winds na 65 kilometers per hour (kph) at gustiness na umaabot sa 80 kph. Kumikilos ito pasilangan sa bilis na 10 kph.
Wala pang iniulat ang Pagasa kung papasok si Nangka sa PAR o kung direktang makaaapekto ito sa bansa.
Samantala, sa Weather Advisory No. 43 na inilabas alas-11 ng umaga nitong Miyerkules, sinabi ng Pagasa na maaaring makaranas ang Occidental Mindoro ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan mula August 12 hanggang tanghali ng Huwebes, August 13, dahil sa Habagat.
Maaaring mas mataas pa ang forecast rainfall sa mountainous at elevated areas. Posible ring lumala ang epekto ng ulan sa mga lugar na nakaranas na ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Pinag-iingat ng Pagasa ang publiko, habang pinayuhan ang mga kinauukulang disaster risk reduction and management office na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian. /Bistado


