May administratibong pananagutan ang dating head coach ng men’s basketball team ng Ateneo de Manila University na si Thomas Anthony “Tab” Baldwin at ang eskwelahan dahil sa paglabag sa mga patakaran sa pagtatrabaho ng mga dayuhan.
Sa desisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos ang imbestigasyon, napag-alaman na nagtrabaho siya para sa Ateneo mula Disyembre 1, 2015 hanggang Setyembre 28, 2016 ng walang Alien Employment Permit (AEP).
Sa ilalim ng Department Order No. 146, Series of 2015, maaaring patawan ng multang PHP10,000 bawat taon, o bahagi nito, ang mga dayuhang nagtatrabaho nang walang AEP.
Natuklasan din ng DOLE na may pananagutan si Baldwin dahil sa hindi pagkuha ng Certificate of Exemption para sa kanyang sumunod na pagtatrabaho.
Sa ilalim ng mga umiiral na patakaran, ang pagtatrabaho ng isang dayuhan nang walang awtorisasyon at kinakailangang may exemption certificate ay itinuturing na patuloy na paglabag.
Dahil dito, pinatawan si Baldwin ng administratibong multa na PHP4.9 milyon para sa 490 araw mula Pebrero 10, 2025 hanggang sa kanyang pagbibitiw sa Ateneo noong Hunyo 15, 2026. Ang halaga ay nakabatay sa PHP10,000 na multa para sa bawat araw ng paglabag.
Pinanagot ang Ateneo de Manila ng kaparehong halaga dahil sa pagkuha kay Baldwin kahit walang AEP at Certificate of Exemption.
Imumungkahi rin ng DOLE na ipa-deport na si Baldwin dahil wala na siyang residency permit, ngunit kailangang harapin niya muna ang magiging kaso, kung mayroon man, ukol sa pagkalunod ng dalawang miyembro ng team sa Aurora province noong Hunyo 8.
Nais ng National Bureau of Investigation na kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide ang coach, na taga-New Zealand, dahil sa pagkamatay nina Rene Baterbonia, 18, at Nigerian national na si Divine Adili, 21, sa isang team building.
“Without prejudice to civil, administrative, or criminal complaints pending before other investigative agencies or the courts of law against Mr. Baldwin, this matter is hereby referred to the Bureau of Immigration and Deportation for summary deportation proceedings,” ayon sa desisyon ng DOLE.
Sinabi ng mga abogado ni Baldwin at ng Ateneo de Manila na gagamitin nila ang mga remedyo ng batas para labanan ang desisyon.
Hindi na makakabalik sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) si Baldwin matapos ang “perpetual ban” na ipinataw ng liga.
“Thomas Anthony Baldwin is perpetually banned from all UAAP competitions and related activities, in any coaching, administrative, advisory, or official capacity, and he is also prohibited from entering any UAAP competition venue. This sanction is final and shall not be appealable,” ayon sa pahayag ng UAAP noong Agosto 7.
Indefinite suspension ang parusa kina team manager Epok Quimpo; mga assistant coach na sina Dean Castaño, Sandro Soriano, Reynaldo Jacinto Jr., Hernan Domingo, Caesar Elumba at Grant Dearns; at sa physical therapist na si John Rueca.
Si Dearns, na kababayan ni Baldwin ay kumpirmadong umalis na ng Pilipinas noong Hunyo 10.


