Matapos ang 76 simultaneous operations ng pinagsamang pwersa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine National Police (PNP) sa North at Central Luzon noong March 2, nakasabat ang mga awtoridad ng kabuuang 185,233 pakete ng smuggled o untaxed cigarettes na may tinatayang tax liability at administrative charges na aabot sa halos P43 million.
Ayon sa BIR, bahagi ang operasyon ng mas pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa iligal na sigarilyo sa bansa. Isinagawa ang mga raid sa iba’t ibang lugar sa Luzon kung saan target ang mga tindahan at establishments na umano’y nagbebenta ng mga produktong tabako na walang tamang buwis.
Pinakamalaking bahagi ng operasyon ang isinagawa sa mga lugar na sakop ng BIR Revenue Region No. 2 sa Cordillera Administrative Region sa pamumuno ni Regional Director Joseph M. Catapia. Sa koordinasyon ng Police Regional Offices 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region, nagsagawa ang mga awtoridad ng 67 sabayang operasyon sa nasabing rehiyon.
Sa mga operasyong ito, nakumpiska ang 183,558 pakete ng iba’t ibang brand ng smuggled cigarettes mula sa 51 tindahan. Ayon sa BIR, ang kabuuang tax liability at administrative penalties para sa mga nakumpiskang produkto ay aabot sa P41,786,250.02.
Samantala, nagsagawa rin ng hiwalay na enforcement operation sa Central Luzon ang BIR Revenue Region No. 4 sa pamumuno ni Officer in Charge Regional Director Saripoden M. Bantog sa koordinasyon ng PNP Police Regional Office 3.
Sa nasabing operasyon, siyam na establishments ang nahuling may hawak na untaxed tobacco products. Nakumpiska mula sa kanila ang 1,675 pakete ng iligal na sigarilyo na may tinatayang tax liability at administrative penalties na umabot sa P1,363,271.14.
Ayon sa BIR, nahaharap sa kaukulang kaso ang mga may-ari ng mga tindahang nahulihan ng mga iligal na produkto. Posibleng maharap sila sa paglabag sa National Internal Revenue Code of 1997, kabilang ang mga probisyon tungkol sa excise taxes, value added tax, at graphic health warning compliance sa mga produktong tabako.
Sinabi ng BIR na ang mga operasyon noong March 2 ay bahagi ng tuloy-tuloy na enforcement drive ng ahensya laban sa iligal na sigarilyo sa bansa. Ayon sa ahensya, magpapatuloy ang mga kahalintulad na operasyon sa iba’t ibang rehiyon para matiyak na ang lahat ng excisable products na ibinebenta sa merkado ay may tamang buwis na binabayaran. /Bistado


