Apat na abogado, kabilang umano sina Atty. Ruy Alberto Rondain at Atty. Orlando Mendiola, ang kinilala ng isang testigo sa mga litrato bilang mga dumalo sa meetings kaugnay ng planong siraan si Executive Secretary Ralph Recto, ayon sa source na may direktang kaalaman sa imbestigasyon.
Sina Rondain at Mendiola ang founding at name partners ng Rondain & Mendiola Law Firm sa Ortigas Center, Pasig City. Ang dalawa pa ay mga batang abogado umano mula rin sa kanilang firm, ngunit hindi ibinunyag ang kanilang mga pangalan.
Sinabi ng source sa Bistado na nagsagawa noong Huwebes, August 6, ng supplemental sworn statement ang talent manager na testigo sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Karagdagan ito sa una niyang salaysay noong July 29 tungkol sa umano’y planong paninira kay Recto ng isang grupong kinabibilangan ni dating kongresistang Jing Paras.
Ayon sa source, sinabi ng testigo na kusang-loob niyang ibinigay ang salaysay at hindi siya pinilit, tinakot o pinangakuan ng bayad o pabuya.
Paglalahad ng testigo, sa unang meeting noong Miyerkules, July 15, dalawang senior lawyer pa lamang umano ang kasama ni Paras. Sa ikalawang meeting noong Linggo, July 26, apat na abogado na ang naroon—ang dalawang senior lawyer at dalawang mas batang abogado.
Ginanap umano ang mga pagpupulong sa isang restaurant sa Project 4, Quezon City.
Sa una niyang salaysay, dalawang abogado lamang ang nabanggit ng talent manager. Nilinaw niya sa supplemental statement na dalawa pang lalaki ang kasama ng grupo noong July 26.
Hindi umano siya tiyak noong una kung mga abogado rin ang dalawang ito, ngunit sinabi niyang makikilala niya sila kapag muling nakita.
Ayon sa source, isa-isang ipinakita ng NBI sa testigo ang apat na litrato. Sa bawat larawan, kinumpirma niyang kasama ang lalaking ipinakita sa meeting na kanyang dinaluhan.
“Opo kasama po yan sa meeting na aking dinaluhan,” sagot umano ng testigo sa bawat larawan.
Ipinaliwanag din umano nito kung bakit tiwala siyang tama ang kanyang pagkakakilanlan.
“Napakaliit lang po ng restaurant na aming pinagmeetingan, kaharap ko mismo ang mga taong nasa larawan kaya’t hindi ako magkakamali sa kanilang pagkakakilanlan,” nakasaad umano sa kanyang sworn affidavit.
“Maaaring hindi ko po alam ang kanilang pangalan pero nakatitiyak ko po na sila ang mga nakausap ko dahil natatandaan ko po ang kanilang itsura,” dagdag niya.
Ayon sa source, sina Rondain at Mendiola ang dalawang senior lawyer na kinilala sa mga litrato. Ang dalawa pa ay ang mas batang mga abogado umanong sumama sa July 26 meeting. Hindi pa opisyal na pinangalanan ng NBI ang apat.
Sinabi rin umano ng testigo na nagpakilala ang mga lalaking nasa larawan bilang mga abogado ni Batangas Rep. Leandro Leviste.
“Ang mga nagpakilalang abogado ni Cong. Leviste ay ang mga taong nasa larawan na aking tinutukoy,” ayon umano sa salaysay.
May dalang laptops ang dalawa sa mga lalaking nakausap ng testigo dahil kukunan na sana ng affidavit ang kanyang mga talent noong araw na iyon, ayon sa source.
“Sa katunayan ang dalawang lalaking aming nakausap ay may dalang mga laptop dahil noong araw po na yun kukunan na sana ng affidavit ang aking mga talent,” nakasaad umano sa salaysay.
Idinagdag ng testigo na sinabi umano ni Paras na wala pang perang ibinibigay si Leviste. Binanggit din umano ng mga abogadong kasama sa meeting na sila ay mga abogado ng kongresista.
Ayon sa salaysay ng talent manager, P5.5 milyon umano ang kabuuang budget para sa operasyon.
Tig-P1 milyon umano ang ilalaan sa apat na babae, o kabuuang P4 milyon. May nakalaan din umanong P1 milyon para sa talent manager at P500,000 para kay Paras.
Wala pang inilalabas na ebidensiya na nagpapatunay na naibigay o natanggap ang mga halagang ito.
Tugma ang mahahalagang detalyeng ibinigay ng source sa pampublikong pahayag ni NBI Director Melvin Matibag noong Sabado, August 8.
“Identified na po namin yung mga lawyers at we have the testimony at mayroon po tayo iba pang mga ebidensya,” ani Matibag sa Saturday News Forum.
Inilarawan niya ang pinanggalingan ng apat bilang isang malaking law office sa Ortigas na may high-profile clients.
“Malaking law office to. Ang mga kliyente nila mga personalities din na malalaki,” sabi ni Matibag.
“Ang problema, yung dalawang abogado na involved kilala na. Ang senior partners na. Actually name partners na. Yung dalawa naman, yun ang kaawa-awa. Bagong abogado,” dagdag niya.
Sinabi rin ng NBI chief na isa sa legal counsels ni Leviste ay mula sa parehong firm at nakapasa lamang sa Bar examinations noong 2025—isang ugnayang itinuring niyang “red flag.”
Ayon sa NBI at mga naunang report, ang apat na abogado umano ang tumulong sa paghahanda ng mga affidavit o “scripts” na gagamitin upang idawit si Recto sa human trafficking at paggamit ng illegal drugs.
“Sila yung naghanda ng alleged affidavit para gamitin sa planong paninira kay Secretary Ralph Recto,” ani Matibag.
Sa umano’y plano, apat na babae ang magbibigay ng mga salaysay na pinilit sila ni Recto na gumamit ng illegal drugs at makipagtalik. Susundan umano ito ng pagsasampa ng reklamo at press conference laban sa opisyal.
Nabunyag ang operasyon matapos maaresto ang talent manager sa hiwalay na human trafficking case ng NBI-National Capital Region (NCR), kung saan limang babae ang nasagip.
Ayon sa mga naunang report, mula pa noong May umano binubuo ang plano. Itinuturo si Paras bilang isa sa mga nag-organisa, habang si Leviste ang sinasabing financier.
“Local politics” umano ang ibinigay na dahilan sa pag-target kay Recto, na tulad ni Leviste ay mula sa Batangas.
Kapwa itinanggi nina Paras at Leviste ang pagkakasangkot sa umano’y operasyon.
Muling ipinadadalo ng NBI ang dalawa sa Martes, August 11, matapos silang hindi sumipot sa naunang schedule noong Huwebes, August 6.
Inaasahan namang papadalhan ng subpoenas ang apat na abogado ngayong Lunes, August 10, at pagharapin sa NBI sa Biyernes, August 14.
Itinatag nina Rondain at Mendiola ang kanilang law firm noong 1992. Si Rondain ay abogado rin ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Nagsilbi rin si Rondain bilang legal counsel ni dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo sa P12.5-million class suit na inihain ng 36 journalists at tatlong media organizations. Kinatawan din niya si Arroyo kaugnay ng Senate investigation sa mga contractor na na-blacklist ng World Bank.
Patuloy ang case build-up ng NBI. Kapag nakumpleto, isusumite ang ebidensiya sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) upang matukoy kung may sapat na basehan para magsampa ng kaso. /Bistado


