Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Dahil sa LPA: 260 pamilya lumikas sa La Union

Umabot sa 260 pamilya sa La Union ang lumikas nitong Martes dahil sa epekto ng low pressure area na dating Tropical Depression Luis at pinalakas na southwest monsoon o habagat.

Batay sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa evacuation centers sa Bacnotan, Bangar, Naguilian at Bagulin ang 166 pamilya o 510 indibidwal.

May 33 pamilya o 119 katao naman ang nananatili sa labas ng evacuation centers, habang 61 pamilya ang maagang inilikas sa Bauang at Aringay bilang pag-iingat.

Naitala rin ang pagbaha sa San Fernando City at mga bayan ng Bauang, Naguilian at Santo Tomas.

Ayon kay PDRRMO head Marc Cristopher Ortega, nagpakilos ang lalawigan ng rescue teams at mga sasakyan upang ilikas ang mga na-stranded na personnel sa San Fernando City.

Namonitor din ang mga natumbang puno at landslide sa Naguilian, gayundin ang isang mini landslide sa San Jose Castro Road sa Sudipen.

Nalinis na ang mga naapektuhang bahagi at maaari nang daanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang kalsada.

Iniulat din ng PDRRMO ang mga mudslide sa Barangay Narra Oeste at Barangay Dallangayan Este, partikular sa Purok 6, sa San Fernando City.

Samantala, 34 barangay sa Bauang, Naguilian at San Fernando City ang nakaranas ng pagkawala ng kuryente.

Noong Lunes, sinuspinde ng pamahalaang panlalawigan ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan nitong Martes.

Ipinatupad ang suspensiyon dahil sa orange rainfall warning, na nangangahulugan ng heavy to intense rainfall. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles