Naglabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation laban sa 18 indibidwal na nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marine Corps matapos lumutang ang mga pahayag tungkol sa umano’y paghatid ng malaking halaga ng pera sa ilang personalidad sa gobyerno.
Kinumpirma ito ni NBI Director Melvin Matibag sa panayam sa media.
Ang 18 lalaki ay naglabas ng joint affidavit kung saan sinabi nila na naghatid sila ng cash sa ilang opisyal at personalidad. Lumutang ang alegasyon matapos ihayag ng abogado na si Levito Baligod ang kanilang salaysay. Kabilang sa mga nabanggit sa kanilang pahayag ang mga paratang na may kinalaman sa pagdadala umano ng pera mula sa mga proyekto sa gobyerno.
Ayon kay Matibag, unang tiningnan ng NBI ang pagkakakilanlan ng mga nagpakilalang dating Marines. Lumabas sa paunang beripikasyon na may ilan sa kanila na hindi naman pala tunay na miyembro ng Philippine Navy o ng Marine Corps. May ilan din na may kinahaharap na mga kaso sa korte, ayon sa NBI chief.
Sinabi ng NBI na susuriin nila ang lahat ng aspeto ng reklamo. Kabilang sa iniimbestigahan ang kredibilidad ng affidavit, ang mga taong nagbanggit ng mga alegasyon, at ang mga personalidad na pinangalanan sa dokumento. Kasama rin sa sinisilip ng mga imbestigador ang taong nagnotaryo sa affidavit at ang mga posibleng nasa likod ng paghahain ng mga paratang.
Binigyang diin ng NBI na ang imbestigasyon ay nakatuon sa paghahanap ng katotohanan at hindi sa pulitika. Patuloy ang pangangalap ng impormasyon habang hinihintay ang pagdalo ng mga pinadalhan ng subpoena para magpaliwanag sa kanilang mga pahayag. /Bistado


