Hindi lang pribadong kotse ang gustong pakuryentehin ng administrasyon. Pati bus at ferry, isinasalang sa paglipat sa electric vehicle o EV.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang industriya na suportahan ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon habang binabawasan ang pagdepende sa inaangkat na produktong petrolyo.
Ibinida niya ang mga bagong Love Bus at ang articulated electric bus na gagamitin sa Davao City. Binanggit din ang M/B Dalaray, isang electric vessel na binuo sa pagtutulungan ng University of the Philippines at Department of Science and Technology.
Sa susunod na yugto, ang ganitong electric ferry ang planong gamitin sa Pasig River Ferry Service mula Pinagbuhatan, Pasig hanggang Escolta, Maynila—rutang tinatayang nasa 15 kilometro.
Malaki ang target: sa pagdating ng 2040, nais ng pamahalaan na “kalahati ng mga sasakyan ay EV na.” Para mapababa ang presyo, sinabi ni Marcos na tatanggalin lahat ng tariffs sa EVs hanggang 2028. Inatasan din ang mga ahensiya ng gobyerno na unahin ang electric vehicles sa pagpapalit ng kanilang mga sasakyan.
Naging mas matindi ang tulak sa EV matapos ang pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng kaguluhan sa Middle East. Sa SONA, sinabi ni Marcos na ang mga nakalipat na sa hybrid at electric vehicles ay hindi direktang tinamaan ng taas-presyo sa petrolyo gaya ng mga sasakyang nakadepende sa gasolina o diesel. /Bistado


