Nag-fangirl mode si Konsehal Aiko Melendez nang sagutin nito ang aming text message na hiningi ni mismong Gov. Vilma Santos-Recto ang kanyang personal na number.
Nais kasi ni ate Vi na personal ding magpasalamat sa aktres-pulitiko dahil sa interview nito sa podcast ni Luis Manzano, at tuloy ma-reconnect sila sa ‘friends.’
“Ayun na nga nagtext na siya kinilig ako Kuya, salamat ahh,” tugon ni Quezon City Councilor sa BISTADO matapos naming ibigay ang kanyang numero sa hiling ni Gov. Vi.

Nakarating at napanood din daw mismo ng butihing Batangas Governor ang teaser ng interview ni Aiko sa podcast ni Luis Manzano, kung saan nga napag-usapan dito ang naging experience niya nang magkasama sila noong 1992 sa award-winning movie na “Sinungaling Mong Puso.”
Nang mga panahon na yun ay reynang-reyna at namamayagpag ang movie at TV career ng Star for All Seasons at lahat ng movies niya ay pawang box-office hit at award-winning. Kumbaga daw sa isang neophyte na maituturing, hindi ka lang ma-i-intimidate, kundi matatakot o baka umurong kang maka-eksena ito.
Noo’y 17 years old pa lamang si Aiko though nagsimula din siya bilang isang child star sa bakuran ng Regal Films. Isa si Aiko sa mga most promising and beautiful female stars noong mga panahon na yun.
Sa naturang movie with ate Vi, kasama sina Aga Muhlach, Gabby Concepcion at Alice Dixson, sa direksyon ng yumao at award-winning director Maryo J. de los Reyes, isinabak siya ni direk Maryo sa mga beterano dahil naging ‘anak-anakan’ siya nito at naging instrumento si direk Maryo na lalong ‘hasain’ ang acting talent ng magandang aktres sa TV drama anthology na Regal Drama Presents AIKO.
Puring-puri ni Aiko ang Star for All Seasons at ayon nga sa bahagi ng naturang panayam sa kanya ni Luis, “If there is one thing na natutunan ko sa Mom mo (ate Vi), she was the one who really kept me grounded. I had an awkward scene with her and she said, ‘Aiko, wag mo akong tingnan as Vilma Santos, tingnan mo na magkapantay lang tayo.”
Sa naturang movie ay young couple sina Aga at Aiko, at nagkaroon ng ‘affair’ si Aga sa karakter ni Ate Vi. May mga eksenang kailangan niyang komprontahin, murahin at sampalin ang acting legend at movie icon.
Pero bukod nga daw sa husay ng Star For All Seasons bilang de-primerang aktres at mentor, higit niya itong hinangaan kung paanong makisama sa mga tao sa produksyon.
“Minsan na-late siya ng 15 minutes sa call time niya. Nakita ko grabe, si Ate Vi na yun ah, nag-sorry sa mga crew, said, “Sorry po late ako,” tas pinakain niya kaming LAHAT. sabi ko, from this day on kapag talagang sumikat ako, etong gagayahin kong peg ko,” balik-tanaw na kuwento ng ngayo’y isa na ring award-winning actress at public servant.
Sa dagdag pang kuwento ni Aiko sa BISTADO hinggil sa kabutihan ng isang Vilma Santos pagdating sa pagtulong sa mga katrabaho, “oo grabe and hindi ko malilimutan yung help niya sa papa ko nung nabubuhay pa kaya nag-iisa siya talaga.”
Ang sinasabing ‘papa’ ng aktres ay ang 80’s matinee idol na si Jimi Melendez na naging leading man din ni Ate Vi sa mga pelikulang Relasyon at Muling Buksan ang Puso, pero tumatak ang ‘torpe portrayal’ nito sa ‘RELASYON,’ ang kauna-unahang pelikula sa kasaysayan na nagbigay ng grandslam BEST ACTRESS honors kay Vilma Santos noong 1982.
Naging golden girl na si Aiko last Dec. 2025, at bukod sa pagiging aktibong aktres, vlogger at kilalang Konsehal representing the 5th district of Quezon City simula noong 2022 to present, isa rin siyang negosyante.
Noong 2001 hanggang 2010 ay naging Councilor na din siya ng Quezon City representing second district, kaya’t masarap daw gawing inspirasyon at huwaran ang mga gaya ng isang Batangas Gov. Vilma santos-Recto, dahil subok, naranasan at nakita niya mismo ang mga gawain nito sa loob at labas ng showbiz.
Si Aiko ngayon ang very supportive mother sa mga anak niyang sina Andre Yllana at Marthena Jickain na bahagi na rin ng showbiz industry.
Si Andre ay nasa bakuran ng Viva Artist Agency habang si Marthena naman ay ipinakilala kamakailan lamang bilang isa sa mga Block 1 artists ng STAR WORX under TV 5 at direk Johnny Manahan or Mr. M.
Kasalukuyan din siyang ‘playing sweet music’ kay noo’y 90’s matinee idol ding si Onemig Bondoc.


