Pitong katao ang inaresto habang mahigit P5.26 milyon na halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes, kagamitan sa paggawa ng unlabeled cooking oil at mga sasakyang pandagat at panlupa ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon sa Batangas, Sarangani at Davao City noong July 24.
Dalawa pang suspek ang pinaghahanap ng Philippine National Police (PNP).
Sa Barangay Cupang, Bauan, Batangas, inaresto ang isang babae sa umano’y paggawa at pagbebenta ng cooking oil na walang label.
Nasamsam sa pinagsanib na operasyon ng PNP, Food and Drug Administration (FDA) at Municipal Health Office ang iba’t ibang oil storage tank, refilling machine, timbangan, Elf truck at buy-bust money. Tinatayang P2.5 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan.
Wala sa lugar ang umano’y may-ari ng establisimyento nang isagawa ang operasyon at pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.
Sa baybayin naman ng Barangay Kanalo, Maasim, Sarangani, isang lalaki ang naaresto matapos makumpiska ang 1,640 reams ng hinihinalang foreign-made smuggled cigarettes na walang katibayan ng legal na pag-aangkat.
Nagkakahalaga ng P1,402,462.40 ang mga sigarilyo. Nasamsam din ang dalawang bangkang pinaniniwalaang ginamit sa paghahatid ng kontrabando.
Nakatakas ang isa pang suspek sa isinagawang pursuit operation at patuloy siyang tinutugis ng mga pulis.
Samantala, limang lalaki ang nadakip sa buy-bust operation sa Barangay Bago Aplaya, Talomo District, Davao City. Kabilang sa kanila ang isang kinilala lamang sa alyas na “Ungod Raf.”
Nakuha sa operasyon ang 15 master cases ng hinihinalang foreign-made smuggled cigarettes na walang kinakailangang importation documents. Tinatayang P1.355 milyon ang halaga ng mga ito, kasama ang marked buy-bust money.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang pitong naaresto. Isinasailalim naman sa dokumentasyon ang mga nakumpiskang ebidensya bago ihain ang kaukulang mga kaso. /Bistado


