Pinabilis ng National Food Authority (NFA) ang pagbili ng palay at nakapagtala ng 460,731 metric tons (MT) na reserbang bigas noong November 2025—lampas sa 300,000 MT buffer stock requirement ng gobyerno.
Inihahanda rin ng NFA ang pagtataas sa minimum buying price ng sariwa o basang palay mula P17 patungong P21 kada kilo ngayong wet season. Layon nitong tulungan ang mga magsasaka sa mataas na production cost, mahikayat silang magpatuloy sa pagtatanim bago ang inaasahang El Niño at matiyak ang lokal na suplay ng bigas.
Sa ilalim ng Price Range Scheme, bumibili ang NFA ng malinis at tuyong palay sa P23 hanggang P30 kada kilo. Itinakda naman sa P17 kada kilo ang minimum buying price ng sariwa o basang palay.
Noong 2024, nakabili ang ahensya ng 443,620 MT ng palay mula sa 60,612 magsasaka. Sinundan ito ng 420,013 MT mula sa 72,776 magsasaka noong 2025.
Ayon kay Agriculture Secretary at NFA Council chairman Francisco Tiu Laurel Jr., nakatulong ang mas agresibong pagbili ng gobyerno sa kita at bargaining power ng mga magsasaka. Napilitan din umano ang mga pribadong trader na magtaas ng kanilang presyo.
“Kapag bumili kami ng dagdag na palay sa patas at competetive na presyo, pinapahusay namin ang kita ng mga magsasaka habang sinisiguro namin anv supply ng bigas para sa pamilyang Pilipino. Ang pagsuporta sa ating mga magsasaka ang pundasyon ng pangmatagalang seguridad sa pagkain,” ani Tiu Laurel.
Para mailapit ang mga buying station sa mga komunidad, umupa ang NFA ng 65 bodega sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binuksan din ang P355.4-milyong modernong warehouse sa Dumangas, Iloilo, para palakasin ang kapasidad sa pagpapatuyo, paggiling at pag-iimbak ng palay.
“Ang malakas na reserba ay nagbibigay-daan sa atin na makatugon agad sa mga bagyo, baha, lindol at iba pang emergencies. Ito rin ang magbibigay katiyakan na mananatili ang supply ng bigas para sa mga programa sa pagkain ng gobyerno at mapapalakas ang seguridad sa pagkain ng bansa,” ani NFA Administrator Larry Lacson.
Ginagamit din ang mas malaking imbentaryo sa P20 kada kilong Benteng Bigas, Meron Na! program ng administrasyong Marcos.
Sa modernisasyon ng storage network, isang warehouse na ang natapos, 35 ang kasalukuyang itinatayo at 89 rehabilitation projects ang nakumpleto. /Bistado


