Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Butas-butas na panukalang batas

Minsan, hindi naman komplikado ang problema ng pulitika sa Pilipinas. Nakalagay na mismo ang sagot sa Konstitusyon. Noong 1987 pa, sinabi na ng Saligang Batas na dapat tiyakin ng estado ang pantay na pagkakataon sa pagpasok sa serbisyo publiko at magpatupad ng batas laban sa political dynasties.

Ang problema, hanggang ngayon, wala pa ring ganoong batas.

Hindi ito maliit na pagkukulang. Halos apat na dekada na ang lumipas. Sa loob ng panahong iyon, hindi lang basta nanatili ang mga dynasty sa pulitika. Lalo silang dumami, lumakas, at kumapit sa iba’t ibang antas ng gobyerno. Sa maraming probinsya, parang iisang pamilya lang ang may hawak ng mga puwesto. Kongresista ang isa, mayor ang kapatid, gobernador ang ama, at konsehal ang pinsan. Halos nagiging family enterprise ang eleksyon.

May mga pag-aaral na sumusuporta sa obserbasyong ito. May mga political clans na sabay-sabay may hawak na lima hanggang halos 20 posisyon sa isang halalan. Sa Kamara, karamihan ng mga distrito ay kinakatawan ng mga apelyidong matagal nang umiikot sa kapangyarihan.

Sa ganitong konteksto, may bagong panukala sa Kongreso na ipinapakilalang anti-dynasty measure. Ngunit kapag binusisi ang laman, hindi pala nito tinatanggal ang dynasty. Naglalagay lang ng superficial limits.

Sa unang tingin, parang kompromiso. Pero sa praktika, nagiging teknikal na laro ito. Kapag may limitasyon, may paraan para umiwas. Maaaring magpalitan ng kandidatura ang mga kamag-anak. Maaaring lumipat ng distrito. Maaaring maghintay ng isang termino bago bumalik sa puwesto. Hindi nawawala ang impluwensiya ng pamilya. Nagbabago lang ang anyo nito.

Ito ang dahilan kung bakit marami ang nagdududa sa ganitong uri ng panukala. Kapag ang isang malinaw na pagbabawal ay ginawang regulasyon, nababawasan ang lakas ng mismong utos ng Konstitusyon. Higit pa, nababastos ang pinakamataas na atas ng bansa.

Sa huli, ang tanong ay hindi lang kung magkakaroon ba ng anti-dynasty law. Ang mas mahalagang tanong: tutuparin ba talaga ang diwa ng Konstitusyon, o gagawa lang ng batas na parang sumusunod pero hindi naman talaga nagbabago ng sistema?

Kung ang resulta ay isang batas na maraming butas at maraming exemption, hindi iyon tunay na reporma. Isa lamang itong paraan para manatili ang dati nang kalakaran. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles