Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

BIR sinampahan ang Sunwest, 2 top execs ng P22.71-B tax evasion complaint

Naghain ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ng criminal complaints laban sa Sunwest Inc. at dalawang opisyal nito dahil sa tinatayang P22.71 bilyong deficiency income tax liability.

Isinampa nitong Biyernes, July 24, ang mga reklamo laban sa kumpanya, presidente nitong si Aderma Angelie Descarga Alcazar at treasurer na si Cesar Zacarias Buenaventura.

Ayon sa BIR, sadyang hindi umano idineklara ng Sunwest ang buong kita nito, nag-claim ng mga pagbili at gastusing walang sapat na dokumento, at maling gumamit ng creditable withholding tax credits sa Income Tax Returns mula 2019 hanggang 2024.

Nakita ng ahensya ang sapat na batayan para ireklamo ang kumpanya at mga responsableng corporate officer sa paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code of 1997, as amended, sa ilalim ng Run After Tax Evaders Program.

Nagsimula ang pagsisiyasat kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa malawakang imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa flood-control projects.

Naglabas ang National Investigation Division ng Memorandum of Assignment para sa preliminary investigation sa Sunwest. Ikinumpara ng mga imbestigador ang project payments na iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Isumbong Mo sa Pangulo platform sa mga halagang idineklara sa income tax returns ng kumpanya.

Dahil sa mga natuklasan, naglabas ang BIR ng Letter of Authority para suriin ang internal revenue tax liabilities ng Sunwest mula 2019 hanggang 2024.

“The BIR examined the tax compliance of the entities concerned. When our investigation establishes willful violations of the National Internal Revenue Code, we will not hesitate to file the appropriate criminal cases against the corporation and its responsible officers,” ani BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza.

Noong February 5, 2026, nagpalabas ang BIR ng Subpoena Duces Tecum na nag-uutos sa kumpanya na isumite ang books of accounts, accounting records at supporting documents nito.

Nang hindi umano lubusang nakasunod ang respondent, ginamit ng BIR ang Best Evidence Obtainable Rule sa pagtukoy ng tax liabilities.

Sa paghahambing ng records ng kumpanya at third-party information mula sa DPWH, National Power Corporation at Philippine Ports Authority, natuklasan umano ang P6.29 bilyong hindi naideklarang kita mula 2019 hanggang 2024.

Hindi rin kinilala ng BIR ang P36.63 bilyong purchases at P3.65 bilyong expenses dahil kulang ang documentary support. Ibinasura rin ang P291.12 milyong unsupported creditable withholding tax claims.

Dahil dito, itinakda ng BIR sa P22.71 bilyon ang kabuuang deficiency income tax liability ng Sunwest, kasama ang surcharge, interest at compromise penalties.

Bahagi ang reklamo ng patuloy na kampanya ng BIR laban sa tax evasion at iba pang paglabag sa National Internal Revenue Code. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles