Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

2 patay, 4 sugatan sa pamamaril sa Parañaque condo

Dalawang katao ang nasawi habang apat ang sugatan matapos ang pamamaril sa loob ng isang condominium complex sa Parañaque City noong Miyerkules ng gabi, March 4.

Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente bandang 7:59 ng gabi sa basketball court ng Azure Urban Resort Residences sa Barangay Marcelo Green. 

Naglalaro ng basketball ang ilang lalaki sa court nang biglang dumating ang isang 59-taong gulang na lalaki at nagpaputok ng baril sa direksiyon ng grupo.

Batay sa imbestigasyon ng Parañaque City Police, armado umano ang suspek ng 9mm pistol nang pumasok sa lugar. 

Sinabi ni Parañaque Police Chief Col. Nicolas Pinon na residente rin ng condominium complex ang suspek at bumaba umano mula sa kanyang unit bago pumasok sa basketball court.

Ayon kay Pinon, dumaan ang suspek sa main gate ng court at walang malinaw na dahilan nang bigla siyang magpaputok sa grupo ng mga naglalaro. Sa kuha ng CCTV na nakuha ng pulisya, makikita na nagtakbuhan sa iba’t ibang direksiyon ang mga tao sa court matapos ang unang putok.

Dalawang biktima ang tinamaan nang malubha at kalaunan ay idineklarang patay. 

Apat pang biktima ang nasugatan sa pamamaril. Agad silang isinugod sa ospital matapos ang insidente.

Matapos ang pamamaril, lumabas ang suspek sa parehong gate ng basketball court at tumakas papunta sa direksiyon ng isang mall na malapit sa condominium complex. Hanggang sa ngayon, ay hindi pa siya nahuhuli ng mga awtoridad.

Patuloy ang manhunt operation ng Parañaque Police habang sinusuri ang mga kuha ng CCTV at kinakalap ang mga pahayag ng mga saksi para matukoy ang motibo sa pamamaril.

Samantala, nanawagan ang pamilya ng isa sa mga nasawi para sa mabilis na hustisya. Sa panayam ng media, sinabi ni Joel Pagaspas, pinsan ng biktimang si RJ Gonzales, na umaasa ang kanilang pamilya na agad mahuhuli ang responsable sa insidente. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles