Nakalikom ang gobyerno ng P80 bilyon matapos dagsain ng mga investor ang auction ng Treasury bills at Cash Management Bills nitong Lunes, July 20.
Ganap na ipinagkaloob ng Bureau of the Treasury (BTr) ang P50 bilyong Treasury bills (T-bills) at P30 bilyong Cash Management Bills (CMBs) na inalok sa merkado.
Umabot sa P210 bilyon ang kabuuang tenders, higit doble sa P80 bilyong target na hiramin ng pamahalaan.
Sa T-bills, umabot sa P138.4 bilyon ang bids, katumbas ng 2.8 beses sa P50 bilyong alok.
Naitala sa 5.104 porsiyento ang average rate ng 91-day T-bills, bahagyang mas mataas sa 5.097 porsiyento noong nakaraang auction.
Bumaba naman sa 5.685 porsiyento mula 5.707 porsiyento ang rate ng 182-day T-bills. Ang 364-day securities ay bumaba rin sa 5.966 porsiyento mula 5.972 porsiyento.
Kumpleto ring naipagkaloob ang P30 bilyong CMBs matapos umabot sa P71.6 bilyon ang bids, o 2.4 beses sa halagang inalok.
Nakuha ng 35-day CMBs ang average rate na 4.816 porsiyento, habang 4.967 porsiyento naman ang rate ng 63-day securities.
Sa kabuuan, P50 bilyon ang nalikom mula sa T-bills at P30 bilyon mula sa CMBs. Ipinakita ng mataas na tenders ang patuloy na malakas na demand para sa government securities. /Bistado


