Matinding taas-presyo sa petrolyo ang sasalubong sa mga motorista simula Martes, July 21, dahil sa panibagong paglala ng tensyon sa Middle East.
Aabot sa P10.68 kada litro ang dagdag sa presyo ng diesel, habang P11.77 kada litro ang itataas ng kerosene.
Hindi rin ligtas ang mga gumagamit ng gasolina. Tataas ang presyo nito nang hanggang P3.65 kada litro.
Sinabi ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na ipatutupad muli ng ahensya ang itinakdang price adjustments kasunod ng malalaking paggalaw sa presyo ng iba’t ibang produktong petrolyo.
“Heightened tensions and developments in the Middle East are affecting global oil markets. Because these markets are interconnected, they are driving price adjustments up across every importing country,” sabi ni Garin.
Nananatiling umaasa sa inaangkat na langis ang Pilipinas kaya mabilis na naipapasa sa lokal na pump prices ang pagtaas sa pandaigdigang merkado.
Sa kabila ng mabigat na dagdag-presyo, tiniyak ng DOE na sapat ang supply ng petrolyo sa bansa. Ayon sa ahensya, may kasalukuyang imbentaryong tatagal nang humigit-kumulang 46 araw.
Ang panibagong oil price hike ay magpapataas sa gastos ng mga motorista at sektor ng transportasyon. Posible ring madagdagan ang gastusin sa paghahatid ng pagkain at iba pang produkto dahil diesel ang pangunahing ginagamit ng mga truck at pampublikong sasakyan. /Bistado


