Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Iligal na fertilizer plant sa Nueva Ecija nalansag, halagang P900K produkto at makina nasamsam

NUEVA ECIJA – Nalansag ng mga awtoridad ang isang hindi rehistradong fertilizer manufacturing facility sa Rizal, Nueva Ecija, na pinaghihinalaang gumagawa ng ilegal na agricultural inputs.

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 500 sako ng fertilizer, 21 granulator machines at ilang delivery truck na nagkakahalaga umano ng P900,000.

Isinagawa ang pagsalakay nitong Miyerkules ng gabi, July 15, sa isang warehouse sa Barangay Sta. Monica.

Natunton ang pasilidad matapos maaresto ang umano’y ahente ng ilegal na manufacturer. Nagbigay umano ito ng impormasyong nagturo sa kinaroroonan ng warehouse.

Magkatuwang sa inspeksyon ang mga tauhan ng Rizal at Talavera municipal police stations, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Nueva Ecija Provincial Field Unit, Regional Special Operations Group 3, Provincial Intelligence Unit, Nueva Ecija Police Provincial Office at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA).

Kinilala ng mga awtoridad ang may-ari ng warehouse na si Daniel Delos Santos, 52, may-ari ng Don Fertilizer Manufacturing.

Nabigo umano si Delos Santos na magpakita ng mga permit at lisensiyang kailangan sa paggawa ng fertilizer. Kinumpirma rin ng FPA na walang rehistro ang pasilidad.

Pinuri ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang operasyon dahil sa panganib na dulot ng ilegal na farm inputs sa mga magsasaka, ani at suplay ng pagkain.

“Ninanakawan ng illegal fertilizers ang mga magsasaka ng kanilang pinaghirapan sa pamamagitan ng mababang ani, pinapahina ang ating seguridad sa pagkain, at nagdudulot ng potensiyal na panganib sa kalusugan ng publiko at ng kapaligiran. Patuloy kaming makikipagtulungan sa mga otoridad upang masigurong makakarating sa mga magsasaka ang ligtas, epektibo at maayos na rehistradong agricultural inputs,” ani Tiu Laurel.

Sinabi naman ni FPA Director Glen Estrada na paiigtingin ng ahensya ang kampanya laban sa ilegal na manufacturers at traders.

“Hindi namin titigilan ang paghabol sa mga manufacturers at traders ng hindi rehistrado at illegal na ginawang fertilizers at pesticides. Ang mga illegal na produktong ito ang nakakapinsala sa ani, at talagang nagnanakaw sa limitadong pondo ng ating mga magsasaka,” ani Estrada.

Nasa kustodiya ng FPA ang mga nakumpiskang fertilizer, makina at truck habang tinatapos ang dokumentasyon at disposisyon.

Inihahanda na rin ang mga reklamong isasampa kay Delos Santos sa Provincial Prosecutor’s Office sa Cabanatuan City dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 1144, ang batas na lumikha sa FPA. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles