Nakakuha ang Pilipinas ng $6.78 milyong technical assistance grant mula sa Green Climate Fund (GCF) para palakasin ang pagbuo at pagpapatupad ng climate investments.
Ayon sa Department of Finance (DOF), tutulong ang pondo sa pagprotekta sa mga komunidad laban sa epekto ng climate change, paglipat sa malinis na enerhiya at pagsusulong ng inklusibo at napapanatiling paglago ng ekonomiya.
Hindi kailangang bayaran ang grant dahil tulong ito mula sa development partner.
“We welcome the GCF’s approval of this grant. More than financial support, it is an investment in the Philippines’ ability to turn climate ambition into action and deliver lasting benefits for the Filipino people,” ani Finance Undersecretary Joven Z. Balbosa.
Inaprubahan noong June 24, 2026 ang 60-buwang Third Readiness and Preparatory Support Programme (RPSP 3).
Dahil sa pag-apruba, naging unang bansa ang Pilipinas sa Asia-Pacific na nakakuha ng GCF readiness support sa ilalim ng ikalawang replenishment period ng pondo para sa 2024 hanggang 2027.
Iaayon ang mga climate investment sa National Adaptation Plan (NAP) at Nationally Determined Contribution Implementation Plan (NDCIP). Palalakasin din ng programa ang koordinasyon ng mga ahensiya, pagbuo ng project pipeline, knowledge management at monitoring systems.
Inaasahang makatutulong ang programa sa pagkuha ng dagdag na international climate financing para sa climate resilience, food at water security, clean-energy transition at proteksiyon ng mga bulnerableng komunidad.
Magsisilbing delivery partner ng DOF ang Global Green Growth Institute (GGGI). Co-implementers naman ang United Nations Development Programme (UNDP) at Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ).
Binuo ang programa sa konsultasyong pinangunahan ng DOF, kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Climate Change Commission (CCC), Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology (DOST) at iba pang institusyon.
“This readiness grant from the GCF will strengthen climate action in the Philippines by enhancing institutional capacity, reinforcing existing coordination mechanisms, and accelerating the development of a strong project pipeline further supporting country ownership,” ani GCF Regional Director for Asia and the Pacific Hemant Mandal.
Naghahanda rin ang DOF ng ikalawang panukala sa ilalim ng GCF Country-Driven Readiness window na posibleng maglaan ng hanggang $3 milyon pang grant.
Ang DOF ang National Designated Authority (NDA) ng Pilipinas sa GCF at nangunguna sa pagkuha ng climate financing na nakaayon sa mga prayoridad ng bansa. /Bistado


