Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Funeral benefit ng GSIS itinaas sa P50K

May dagdag na tulong ang pamilya ng mga kuwalipikadong government workers at pensioners matapos itaas ng Government Service Insurance System (GSIS) sa P50,000 mula P30,000 ang funeral benefit nito.

Saklaw ng mas mataas na one-time assistance ang mga claim para sa pagkamatay na nangyari noong Lunes, July 13, 2026, at sa mga susunod na araw.

“Every family deserves support and dignity when they lose someone they love,” ani GSIS President at General Manager Wick Veloso.

Sinabi ni Veloso na sa pagtaas ng benepisyo, makakatabi ng pension fund ang pamilya ng mga miyembro “at the exact moment they need us most.”

Tinatayang 21,000 hanggang 25,000 pamilya sa buong bansa ang makatatanggap ng funeral benefit bawat taon. Maglalaan ang GSIS ng hanggang P1.25 bilyon kada taon para pondohan ang mas malaking ayuda.

Saklaw ng benepisyo ang mga kuwalipikadong active member, separated member na may karapatan sa separation o retirement benefits sa hinaharap, old-age pensioner at ilang retiree sa ilalim ng Republic Act (RA) Nos. 1616 at 8291.

Puwede rin itong ipagkaloob para sa mga miyembrong nagretiro sa ilalim ng RA 1616 bago naging epektibo ang RA 8291, basta nakapaglingkod sila sa gobyerno nang hindi bababa sa 20 taon.

Isang kuwalipikadong claimant lamang ang babayaran ng P50,000. Unang prayoridad ang legal na asawa ng namatay, kasunod ang lehitimong anak na sumagot sa gastusin sa libing.

Kung walang ligal na asawa o lehitimong anak, puwedeng mag-claim ang ibang taong makapagpapatunay na siya ang nagbayad ng funeral expenses.

Kailangang magsumite ang claimant ng death certificate ng miyembro, valid government-issued identification card at iba pang supporting documents na hinihingi ng GSIS.

Bukod sa mga dokumentong ito, kailangang magpakita ng non-spouse claimant ng sapat na patunay na siya ang gumastos sa pagpapalibing.

Bahagi ang pagtaas ng funeral benefit sa mga hakbang ng GSIS para palakasin ang suportang ibinibigay sa mga public sector workers, pensioners, at kanilang dependents. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles