KORONADAL CITY – Sampung katao ang kumpirmadong nasawi matapos tamaan ng landslide ang isang farming village sa Malapatan, Sarangani madaling-araw nitong Biyernes.
Ayon kay Malapatan Mayor Salway Sumbo Jr., nangyari ang landslide dakong alas-3 ng madaling-araw sa Sitio Pandaw, Barangay Poblacion, habang bumubuhos ang malakas na ulan na dulot ng tail end ng Typhoon Inday sa probinsya.
Kinilala ang mga nasawi na sina Alejandro Maladian, Bina Binaton Maladian, Jordan Binaton Maladian, Weljay Maladian, Bonbon Cawari, Therd Yaton Dawang, Prince Yaton Dawang, Save Yaton Dawang, Daniel Binaton Dawang, at Ricky Ben Dawang.
Patuloy ang search and rescue at retrieval operations para matiyak na matatagpuan ang lahat ng nawawala, buhay man o patay.
“The fatalities were related to each other, by affinity and by blood,” sabi ni Sumbo.
Nagpapatuloy din ang forced evacuation sa ilang bahagi ng Malapatan habang nakararanas pa rin ng mahina hanggang malakas na ulan ang Sarangani.
Nagpaabot si Sumbo ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi, na kabilang din sa mga naapektuhan ng magnitude 7.8 earthquake na tumama kamakailan sa rehiyon ng Soccsksargen. /Bistado


