Nakatuon ang pansin sa pagbabalik ni Jimmy Alapag sa Philippine Basketball Association (PBA) bilang coach ng NLEX Road Warriors sa pagbubukas ng Governors Cup ngayong Biyernes.
Maghaharap ang Road Warriors at Macau Giant Pandas sa tampok na laro 7:30 p.m. sa Ynares Center Antipolo.
Mamanahin ni Alapag ang koponan na nanguna sa eliminasyon ng Commissioner’s Cup bago masayang ang kanilang twice-to-beat advantage sa quarterfinals laban sa TNT Tropang 5G.
Magbabalik bilang reinforcement ng Road Warriors si DeQuan Jones para pangunahan ang hangaring makabawi sa Governors’ Cup.
Inaasahang muling magbibigay ng malaking opensa si Jones, na nag-average ng mahigit 28 puntos sa kanyang huling paglalaro noong 2024 Governors’ Cup kung saan pareho rin ang kapalaran nila – natalo sa TNT sa unang round ng playoff.
Aabangan kung paano gagamitin ni Alapag ang kanyang sistema upang lumabas ang husay ng mga lokal na manlalaro na pinangungunahan nina Robert Bolick at Kevin Alas.
Unang pagsabak sa Governors’ Cup ng Macau Giant Pandas na aasa sa bago nitong import na si De’Vondre Perry, isang 6-foot-6 na swingman, mula sa University at Albany sa New York, USA, na huling naglaro sa Germany’s ProA league.
Isa si Perry sa walong bagong import ngayong conference.
Noong nakaraang conference, bilang Black Knights, tatlong panalo lamang sa 12 laro ang naitala ng guest team Macau at hindi ito umabot sa playoffs.
Magkakasama sa Group A ang NLEX, Macau, defending champion TNT, San Miguel Beer, Converge, Titan Ultra at Terrafirma.
Ang Group B ay binubuo ng Barangay Ginebra, Rain or Shine, Magnolia, Meralco, Phoenix Super LPG at Blackwater.
Maghaharap ng dalawang beses ang bawat koponan sa loob ng kanilang grupo sa elimination round.
Ang apat na mangunguna sa bawat grupo ang uusad sa crossover quarterfinals.
Sa unang laro simula 5:30 p.m., magsasagupa ang Titan Ultra at Terrafirma, kapwa determinado kalimutan ang hindi magandang kampanya sa nakaraang Commissioner’s Cup.
Ang Dyip ay nagtapos sa 4-10 para sa 10th place samantalang 2-10 ang Giant Risers para sa 12th place.
“Bakbakan sigurado iyon,” ani Dyip coach Ronald Tubid. “We want to win, they want to win also so tingnan na lang natin kung sino maka-una. Sa matchup naman tingin ko makaka-matchup naman kami sa kanila. Siguro kung sino mas determined, mas gustong manalo.”
Aabangan kung paano pamumunuan ni Tirrell Brown ang opensiba ng Titan Ultra, katuwang ang mga lokal na sina Joshua Munzon, Fran Yu, Cade Flores at JB Sajonia.
Ganoon din ang inaasahan kay Justin Strings, na magbibigay ng dagdag na lakas sa Terrafirma kasama ang mga lokal na sina Juami Tiongson, Maverick Ahanmisi, Joseph Eriobu, Geo Chiu at Brent Paraiso.
Sa edad na 32, naglaro na si Brown sa mga propesyonal na liga tulad ng sa Argentina, Bolivia, Chile, Colombia, Ecuador at Uruguay.
Sa kanyang pinakahuling stint kasama ang Caimanes del Llano sa Colombian Liga Basket, nagtala siya ng average na 13.8 puntos, 6 rebounds, at 1.4 assists, habang may 68.5 porsiyentong shooting mula sa loob ng two-point area.
Kilala rin si Strings sa kanyang husay sa loob ng arko. Naglaro na rin siya sa iba’t ibang liga sa Europe at South America, partikular sa Argentina at Uruguay.


