Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mga Pinoy na atleta wagi sa iba’t ibang international events

Humakot ng medalya ang mga atletang Pilipino mula sa iba’t ibang internasyonal na kumpetisyon kamakailan.

Nag-uwi ang Philippine youth team sa Asian Rowing Beach Sprint Championships sa Pattaya, Thailand ng tatlong gintong medalya, isang pilak at isang tanso.

Nanguna si Emmanuel Pilar sa U16 coastal men’s single sculls at sa double sculls kasama si Kyle Olano, habang nagkampeon sina Khayzie Caviltes at Ayonna Huerto sa U19 coastal women’s double sculls.

Nagkamit naman si Matt Jugadora ng pilak sa U19 coastal men’s single sculls, habang nag-uwi sina Amelyn Pagulayan at Feiza Lenton ng tansong medalya sa coastal women’s double sculls.

Samantala, nakakuha ng tansong medalya si 2024 Paris Olympian Joanie Delgaco sa women’s single sculls sa 67th Internationale Ratzeburger Ruderregatta sa Germany.

Sa 122nd Vienna International Rowing Regatta sa Austria, ang Philippine team ay mayroong isang ginto, isang pilak at dalawang tansong medalya.

Nagwagi si Edgar Ilas sa lightweight men’s single sculls, habang nagkamit ng pilak ang pares nina Rynjie Peñaredondo at Van Maxilom sa men’s division.

Nadagdagan pa ang koleksiyon ni Delgaco ng dalawang tansong medalya — isa sa women’s single sculls at isa pa sa women’s doubles kasama si Kristine Paraon.

Sa aquatics, nag-uwi ng tig-isang gintong medalya sina Gabriella De Jesus, Gillianne Amber De Leon, at Jana Rodriguez mula sa 3rd Parisakti Diving International Competition sa Indonesia.

Nagkampyon si De Jesus sa platform (Group B Girls), si De Leon sa platform (Group A Girls), at si Rodriguez sa Open Platform Girls. Nagdagdag din si De Jesus ng pilak sa 1-meter springboard (Group B Girls).

Samantala, kuwalipikado sina Riannah Chantelle Coleman at Jamesray Ajido sa Dakar 2026 Youth Olympic Games sa Senegal, na gaganapin mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 13.

Makakasama nila ang mga kapwa kuwalipikadong sina Pi Durden Wangkay at Naomi Marjorie Cesar (athletics), Maritanya Krog (cycling), at Angel Polo (wushu).

Tatlo pang Pilipino ang naghahabol ng puwesto sa gymnastics at windsurfing.

Nagtapos din ang Pilipinas sa unang at ikalawang puwesto sa Predator PBC Indonesia International 10-Ball Open sa Jakarta. Tinalo ng tatlong beses na world champion na si Carlo “The Black Tiger” Biado si Paolo Gallito, 10–9, sa finals.

Nagpakitang-gilas din ang Team Philippines sa lawn bowls nang manaig sina Marisa Baronda-Johnson at Jocelyn Salanap sa Lion City Cup sa Singapore, kung saan nagkamit sila ng ginto sa ends format at pilak sa sets format.

Humakot rin ang Philippine youth team ng 30 medalya sa Singapore Youth Archery Championships na ginanap sa Bukit Gombak Stadium —13 ginto, 10 pilak, at 7 tanso.

Pinangunahan nina Abigail Jane Lim at Mateusz Vaughn Johnson ang koponan matapos makakuha ng tig-tatlong gintong medalya sa mga indibidwal na kategorya.

Na-una nang nagningning sina Alex Eala sa tennis, Ernest John Obiena sa pole vault, at magkapatid na Carlos at Eldrew Yulo sa gymnastics.

Umabot si Eala sa ikaapat na round ng Wimbledon sa London, ang unang Pilipinong nakarating sa bahaging iyon ng isang Grand Slam mula nang maabot ni Felicisimo Ampon ang quarterfinals ng 1953 French Open sa Paris.

Nagwagi naman si Obiena sa Czesław Cybulski Memorial sa Poznań, Poland, at sa Raiffeisen Austrian Open sa Eisenstadt, Austria.

Sa 13th Senior Artistic Gymnastics Asian Championship sa China, nagkamit si Carlos ng ginto at si Eldrew ng tanso sa floor exercise.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles