Umani ng matinding batikos si Quezon City Rep. Bong Suntay matapos magbitiw ng komento tungkol sa aktres na si Anne Curtis sa gitna ng pagdinig sa Kamara kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Martes, ipinagtanggol ni Suntay ang naging pahayag noon ni VP Duterte na sinabi niyang “nai-imagine” niyang “putulin” ang ulo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Suntay, may pagkakaiba raw ang iniisip o nai-imagine ng isang tao sa aktuwal na gagawin nito. Bilang halimbawa, ikinuwento niya na minsan daw ay nakita niya ang aktres na si Anne Curtis sa publiko at nagkaroon siya ng “desire,” pero hanggang imahinasyon lang daw iyon at walang nangyaring anuman.
Ang nasabing pahayag ay itinuring ng ilang mambabatas bilang hindi angkop sa isang opisyal na pagdinig, at pina-strike out ito sa minutes ng komite.
Kaugnay nito, nanawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa kongresista na agad humingi ng paumanhin para sa kanyang mga sinabi.
“I urge Congressman Bong Suntay to apologize for the inappropriate remarks that he made at a recent House committee hearing,” ani Belmonte.
Ayon sa alkalde, ang naturang komento ay taliwas sa mga hakbang ng Quezon City para itaguyod ang paggalang sa kababaihan. “His words directly contradict the spirit of empowerment that we have worked hard to build here in Quezon City. Over the years, we have embraced the difficult work of establishing protections for women, constantly striving to honor their rights by creating safe spaces and opportunities for them.”
Binigyang-diin ni Belmonte na mas lalong nakadismaya ang pangyayari dahil naganap ito sa panahon ng National Women’s Month. “In this context, it is truly disappointing to witness Congressman Suntay’s casual display of objectification, on Women’s Month no less,” diin ni Belmonte.
Ipinaalala rin ni Belmonte ang papel ni Suntay noon sa Quezon City Council. “But what makes this incident especially troubling is the fact that, as a former member of our City Council, he was part of the body that passed our Gender and Development Code.”
Samantala, kinondena rin ng Gabriela Women’s Party ang naturang pahayag ng kongresista. “Hindi katanggap-tanggap ang kanyang pahayag at dapat siya maglabas ng public apology. Ang pagbabahagi ng kanyang imahinasyon tungkol sa isang babae—anumang dahilan—ay tahasang pambabastos at pag-objectify sa kababaihan,” ani Gabriela Rep. Sarah Elago. /Bistado


