Balak humingi ng emergency powers ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa Kongreso para mabawasan ang excise tax sa petroleum products kung lalala at tatagal ang digmaan sa pagitan ng Israel at Iran, na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa isang media briefing noong Martes, sinabi ng Pangulo na nais ng pamahalaan na maging handa kung sakaling magtagal ang sigalot sa Middle East at magdulot ng mas matinding pagmahal ng krudo. Ayon kay Marcos, isa sa mga hakbang na tinitingnan ng gobyerno ay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo para pansamantalang ibaba ang excise tax sa petroleum products.
“There is also a proposal that we will examine further. I am going to talk to the leaders in both the House and in the Senate to maybe give the President the authority to reduce excise tax on petroleum products should Dubai crude exceed $80 per barrel,” anang Pangulo.
Ipinaliwanag ni Marcos na hindi pa kinakailangan ang hakbang na ito sa kasalukuyan at isa lamang itong posibleng emergency measure kung lalong tataas ang presyo ng langis. Dagdag pa niya, pansamantala lamang ang ganitong hakbang at aalisin kapag humupa na ang krisis.
“It will be something that we will dispose of as soon as the crisis is over,” paliwanag ni Marcos.
Ayon sa Pangulo, sapat pa ang suplay ng langis ng bansa at ang kasalukuyang reserba ay kayang tumagal nang hanggang dalawang buwan. Umaasa rin ang pamahalaan na malulutas ang tensyon sa Middle East sa loob ng apat hanggang limang linggo upang muling maging stable ang presyo ng krudo.
Gayunman, naghahanda na ang gobyerno kung sakaling magtagal ang sigalot. Sinabi ni Marcos na kapag umabot sa $80 hanggang $90 kada bariles ang presyo ng Dubai crude sa loob ng higit dalawang buwan, magbibigay ang pamahalaan ng subsidiya sa mga sektor na pinakaapektado, kabilang ang transportasyon at agrikultura.
Pinag-aaralan din ng gobyerno ang posibilidad ng libreng sakay sa ilang pangunahing ruta ng bus at ang pansamantalang pag-freeze ng fare hikes sa transport hubs para mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga commuter.
Dagdag ng Pangulo, nakikipag-ugnayan na ang Department of Energy sa mga oil companies upang tiyakin na kung magkakaroon ng oil price hike, ito ay ipatutupad nang paunti-unti para hindi biglaang maramdaman ng mga konsyumer ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel. /Bistado


