Gagawing real-world testing ground ng Toyota Motor Philippines (TMP) ang TOYOTA GAZOO Racing (TGR) Philippine Cup para sa low-carbon fuels habang isinusulong nito ang cleaner mobility solutions sa Philippine market.
Magbabalik ang TGR Philippine Cup sa Clark International Speedway mula July 9 hanggang 11 matapos ang suspension noong March, bitbit ang sustainability kasabay ng wheel-to-wheel racing. Ito ang ikalawa sa apat na race weekends para sa 2026 season.
Sa unang pagkakataon, gagamit ng low-carbon biofuels ang race cars sa Vios One-Make Race at locally assembled Tamaraw One-Make Race, kabilang ang 5 percent coco-biodiesel blend o B5 at 20 percent bioethanol blend o E20.
Sa matinding demands ng competitive racing, target ng Toyota na makakuha ng datos sa performance, efficiency, at durability ng mga fuel bago ang mas malawak na paggamit sa public roads.
“Motorsports has always been a testbed for progress,” sabi ni Elijah Marcial, first vice president for vehicle sales operations ng Toyota Motor Philippines.
“Testing biofuels in motorsports allows us to evaluate performance, efficiency and reliability in high-demand environments, making this a pivotal step toward wider adoption of low-carbon biofuels in the Philippines,” dagdag niya.
Ayon sa Toyota, bahagi ito ng multi-pathway approach nito sa carbon neutrality, kung saan pinagsasama ang cleaner fuels at electrified technologies sa halip na umasa sa iisang solusyon.
Nasa tatlong-kapat ng mga gasoline model ng Toyota at Lexus na ibinebenta sa Pilipinas ang compatible sa E20 fuel, habang kayang gumamit ng B5 biodiesel ang diesel lineup ng kumpanya.
Sa paggamit ng race circuit bilang “rolling laboratory,” masusubok sa sukdulan ang mga teknolohiya bago makarating sa mga pang-araw-araw na driver.
Madalas ding nagagamit ang lessons mula sa racing conditions para mapahusay ang reliability, fuel efficiency, at engine performance ng production vehicles.
Libre ang admission sa public race day sa July 11 para sa fans na gustong makita kung paano ginagamit ang motorsports sa paghubog ng susunod na henerasyon ng sustainable transportation. /Bistado


