Umabot na sa P491.748 billion ang nakolekta ng Bureau of Customs (BOC) sa unang anim na buwan ng 2026, lagpas sa target nito at mas mataas ng 7.2 percent kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa press briefing sa Vancouver, Canada, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na umabot sa P86.073 billion ang koleksyon ng BOC noong June 2026.
Lampas ito ng P2.853 billion sa monthly target ng ahensya.
“Muling nakapagtala ng matatag na pagtaas ng koleksyon ng kita ang Bureau of Customs sa pamumuno ni Commissioner Ariel Nepomuceno para sa buwan ng Hunyo ngayong taon…Base sa datos ng ahensya, umabot sa PhP86.073 billion ang kanilang nalikom noong nakaraang buwan, lagpas ito ng PhP2.853 billion sa itinakdang buwanang ng target,” sabi ni Castro.
Para sa January hanggang June period, lumampas naman ng P11.478 billion ang BOC sa target matapos makakolekta ng P491.748 billion.
Ayon sa Malacañang, iniuugnay ng BOC ang mataas na koleksyon sa coordinated efforts ng 17 collection districts, pinaigting na law enforcement operations, at patuloy na modernization ng systems at processes ng ahensya.
“Ang tagumpay na ito ay patunay lamang sa sama-samang pagsisikap ng 17 collection districts ng BOC, pinaigting na pagpapatupad ng batas at patuloy na modernisasyon ng mga sistema at proseso ng ahensya,” ani Castro. /Bistado


