Hindi bababa sa 26 Japanese companies ang nagpahayag ng interes na mamuhunan sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) Capacity Expansion, Operations and Maintenance Public-Private Partnership (PPP) project, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Idinaos ng DOTr at Asian Development Bank (ADB) ang market consultation para sa proyekto sa Tokyo nitong buwan.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, hindi lang ito investment opportunity. Pagkakataon din aniya itong ayusin ang araw-araw na biyahe ng milyun-milyong Pilipino at magtayo ng mas maaasahang railway system para sa publiko.
Binigyang-diin naman ni Assistant Secretary for Railways Eduardo Danilo Macabulos na kinakaharap ng Pilipinas ang pinakamalalang traffic congestion sa Asia, na nagdudulot ng mabigat na economic losses at kumakain ng oras para sa trabaho, pag-aaral, pahinga, at pamilya.
“Our main goal is simple: give Filipinos back one or two hours each day—and that can change lives greatly,” sabi ni Macabulos.
Ang MRT-3 deal ang unang bahagi ng mas malawak na pipeline ng rail public-private partnership opportunities ng DOTr.
Susunod na bubuksan ang kahalintulad na partnerships para sa North-South Commuter Railway, Metro Manila Subway, Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) operations, at national automated fare collection system.
Bahagi ang mga proyektong ito ng 30-year Railway Master Plan, na target bumuo ng konektado, episyente, at sustainable na rail network sa buong bansa.
Ayon sa Philippine Embassy sa Japan, layon ng MRT-3 PPP project na palawakin ang capacity, pagandahin ang operational performance, at tiyakin ang long-term reliability ng isa sa pinakamahalagang urban rail lines sa Metro Manila. /Bistado


