Kinondena ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang mapanirang “One Wish Willow” trend sa TikTok at iba pang social media platforms, kung saan umano kinukutya ng ilang content creators ang mga persons with disabilities (PWDs).
Ayon sa NCDA, ginagamit ng trend ang linyang “I wish I was special” para gawing katatawanan ang seryosong kondisyon ng PWDs kapalit ng entertainment.
Tinawag ng konseho ang ganitong content bilang disrespectful at dehumanizing sa PWD community.
Iniulat na ng NCDA ang trend sa TikTok upang ipatupad ang community guidelines laban sa degrading at harmful content.
Hinimok din ng ahensya ang publiko na i-report ang anumang post, meme, video, o comment na nang-iinsulto, nangmamaliit, o nangungutya sa PWDs.
Pinaalalahanan ng NCDA na bawal sa ilalim ng Republic Act No. 7277, o Magna Carta for Persons with Disability, as amended, ang pangungutya o pang-iinsulto sa persons with disabilities sa anumang media.
Saklaw nito ang mga gawaing nananakot, nakakasakit, o nakakasira sa self-esteem ng PWDs, kabilang ang mocking posts sa social media.
Maaari ring pumasok sa Republic Act No. 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012, ang ilang kaugnay na paglabag, kabilang ang aiding or abetting cybercrimes gaya ng sharing o liking ng mocking posts, at computer-related identity theft kung may impersonation ng person with disability.
Ayon sa NCDA, maaaring i-report ang mga paglabag sa concerned law enforcement agencies.
Nanawagan ang konseho sa mga social media user, content creator, at platform moderator na maging responsable at magbahagi ng uplifting at positibong content tungkol sa persons with disabilities. /Bistado


