Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

House prosecutors humirit ng 4 dagdag pre-trial measures bago ang July 6 VP Sara trial

Humirit ang House prosecutors sa Senate Impeachment Court ng apat na dagdag pre-trial measures para maging mas maayos, malinaw, at mabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa manifestation na pinamagatang “Manifestation with Proposal on Certain Additional Pre-Trial Matters,” hiniling ng prosecution panel na payagan ang paggamit ng Filipino at English sa proceedings, obligahin ang advance disclosure ng witnesses, payagan ang public at private prosecutors na magtanong sa witnesses, at buksan ang sealed Bureau of Internal Revenue (BIR) records box na nasa custody ng Court.

Bahagi ang filing ng nagpapatuloy na pre-trial proceedings bago ang pormal na pagsisimula ng trial sa July 6.

Unang hiniling ng prosecution na payagan ang counsel at witnesses na gumamit ng Filipino o English. Ayon sa filing, mas magiging accessible sa publiko ang trial kung papayagan ang Filipino, at mas malinaw at natural na makakapagpahayag ang witnesses.

Giit ng prosecution, dahil public interest ang impeachment trial, dapat naiintindihan ito ng ordinaryong Pilipino na susubaybay sa kaso. Hindi aalisin ng proposal ang English, pero bibigyan ng flexibility ang mga kalahok na gumamit ng Filipino o English sa testimony at arguments.

Ipinaalam din ng prosecution sa Court na handa itong tanggapin ang proposal ng defense na obligahin ang parties na i-disclose ang intended witnesses at least three calendar days bago ang scheduled testimony.

Ayon sa prosecution, sinabi ng defense na makatutulong ang advance notice para makapaghanda ito sa witness examination. Bagama’t sinabi ng prosecutors na sapat nang nailahad sa kanilang Pre-Trial Brief ang identities ng witnesses at nature ng inaasahang testimonies, handa silang pagbigyan ang request para alisin ang posibleng dahilan ng delay kapag nagsimula na ang trial.

Ayon sa prosecution, sisiguraduhin ng arrangement na walang panig ang makapagsasabing nagulat sila o kulang ang paghahanda para ipagpaliban ang proceedings.

Hiniling din ng prosecution na payagan ang public prosecutors at private prosecutors na magsagawa ng witness examinations sa trial, kabilang ang direct examination, cross-examination, re-direct examination, at iba pang pagtatanong sa witnesses.

Giit ng panel, malawak ang impeachment case dahil saklaw nito ang public finance, government auditing, confidential funds, banking records, at iba pang specialized matters na maaaring mangailangan ng iba’t ibang expertise.

Ayon sa filing, makatutulong ang partisipasyon ng public at private prosecutors para mas maging efficient ang presentation of evidence. Hindi rin tututol ang prosecution kung katulad na arrangement ang ibibigay sa defense panel.

Pinakamabigat sa apat na proposal ang sealed BIR box na ipinadala sa Senado bilang bahagi ng mga rekord ng impeachment.

Hiniling ng prosecution sa Court na buksan ang box sa ilalim ng supervision nito, magsagawa ng inventory ng laman, at payagan ang pre-marking ng mga rekord bago ang trial.

Ayon sa filing, parehong tinukoy ng dalawang panig ang BIR-related documents sa kanilang reserved evidence, kaya mas mabuting maagang malaman kung anong mga record ang aktuwal na nilalaman ng sealed package.

Binigyang-diin ng prosecution na ang pagbubukas ng box ay hindi nangangahulugang awtomatikong admissible na ang anumang dokumento bilang ebidensiya. Ang mga tanong tungkol sa authenticity, admissibility, relevance, at evidentiary value ay pagpapasyahan pa rin ng Impeachment Court kung at kapag pormal nang iniaalok ang mga dokumento sa trial.

Giit ng prosecutors, magpapalakas ng transparency ang inventory, iiwas sa future disputes sa access sa documents, at tutulong sa magkabilang panig na makapaghanda nang mas maayos.

Binigyang-diin din ng prosecution na lahat ng aksiyon kaugnay ng mga rekord ng BIR ay mananatili sa awtoridad at supervision ng Impeachment Court.

Inilarawan ng House prosecutors ang apat na proposal bilang practical pre-trial measures para mabawasan ang kalituhan, maiwasan ang hindi kailangang procedural disputes, at mapanatili ang focus ng impeachment proceedings sa presentation of evidence at witness testimony.

Inaasahang tatalakayin ng Senate Impeachment Court ang proposals habang nagpapatuloy ang pre-trial proceedings bago ang nakatakdang pagsisimula ng trial sa July 6. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles