Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

78 OFW applicants ni-rescue ng DMW, Makati facility ipinasara

MAKATI CITY – Nasagip ng Department of Migrant Workers (DMW) ang 78 prospective overseas Filipino workers (OFWs) sa isang unregistered accommodation facility sa Palanan, Makati, matapos matuklasang kulang ito sa mga permit at mga kinakailangang compliance.

Sa news release nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng DMW na nirekrut ang mga worker sa pamamagitan ng Jenerick International Manpower Inc. at pinangakuan ng trabaho bilang domestic workers sa ilang bansa sa Asia at Middle East.

“Gayunman, nadiskubre ng DMW na nananatili ang mga aplikante sa isang accommodation facility na hindi rehistrado at walang kaukulang clearance permit mula sa kagawaran,” ayon sa DMW.

“Lumabas din sa beripikasyon na hindi angkop ang pasilidad bilang tirahan dahil sa kakulangan sa espasyo, maayos na bentilasyon, at ligtas na kondisyon para sa mga aplikante,” dagdag nito.

Agad na ipinatupad ng DMW-National Capital Region at Migrant Workers Protection Division ang Closure Order No. 2.

Tumulong din ang local government upang maging maayos at ligtas ang rescue operation.

Matapos ang operasyon, nakipag-ugnayan ang DMW sa Overseas Workers Welfare Administration para sa agarang tulong sa mga aplikante, kabilang ang financial aid at temporary accommodation.

Muling nagbabala ang DMW sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa na beripikahin muna ang recruitment agencies, job orders, at employment offers bago magbayad o pumasok sa anumang overseas work arrangement.

“Patuloy na nananawagan ang DMW sa publiko na maging mapanuri sa mga alok na trabaho sa abroad,” ayon sa ahensya.

“Hinihikayat din ang publiko na agad i-ulat sa DMW o sa kinauukulang awtoridad ang anumang kahina-hinalang recruitment activity upang mas maprotektahan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga OFW at aspiring OFW, laban sa illegal recruitment at human trafficking,” dagdag nito. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles