QUEZON CITY – Tiklo ang isang 27-anyos na lalaki sa entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD) matapos umanong magpanggap na pulis at mangikil sa mga manggagawa.
Ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio nitong Biyernes, kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Napole.” Naaresto siya sa Congressional Avenue noong June 15 habang umano’y nakasuot ng uniporme ng Traffic and Transport Management Department.
Batay sa imbestigasyon, nilapitan umano ng suspek ang isang fiber optic cable repair team noong June 14, nagpakilalang pulis, at tinakot ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpapakita ng baril.
Kahit may ipinakitang valid permits ang repair team, iginiit umano ng suspek na kailangan pa ng karagdagang dokumento at nagbantang sasampahan sila ng kaso.
Kinuha rin umano ng suspek ang mga dokumento ng mga manggagawa. Sa halip na dalhin ang complainant sa police station, dinala raw niya ito sa kalapit na parke at ipinahiwatig na maaaring ayusin ang usapin kapalit ng pera.
Ayon sa ulat, humingi umano ang suspek ng P1,500 para ibasura ang sinasabing kaso.
Matapos maberipika na hindi lehitimong pulis ang suspek, nagsagawa ang mga awtoridad ng entrapment operation na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Narekober mula sa suspek ang P1,500 entrapment money, isang Glock 17 replica airsoft pistol, at cellular phone.
Iniuugnay din ng mga awtoridad ang suspek sa naunang insidente kung saan gumamit umano siya ng ibang alyas para magpanggap na may awtoridad bilang pulis.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong robbery, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at usurpation of authority.
“The QCPD will not tolerate individuals who misuse the image and authority of the Philippine National Police for personal gain. We encourage the public to remain vigilant and immediately report persons falsely representing themselves as police officers,” pahayag ni Silvio. /Bistado


