Tuloy na tuloy na sa July 6 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ang unang pre-trial conference sa Senate impeachment court, ayon kay lead prosecutor Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro nitong Biyernes.
Umaandar na ang proceedings matapos simulan ng magkabilang panig ang marking ng documentary exhibits na kaugnay ng Articles of Impeachment.
“And then ang maliwanag kahapon, ang start talaga ng trial is July 6 at magtutuloy-tuloy na ‘yan,” sabi ni Luistro.
“Kaya we would like to commend the impeachment court, the prosecution team and even the defense team for taking as stance towards an expeditious proceedings towards this pre-trial para makaumpisa na tayo sa July 6 because after all, ito matagal nang hinihintay ang taong bayan,” dagdag niya.
Nagsimula ang pre-trial conference noong June 18 at nakatakdang ituloy sa June 22. Nananatili namang nakatakda sa July 6 ang trial proper.
Ayon kay Luistro, nagsimula na ang marking of exhibits at umaasa ang prosecution na matatapos ang natitirang trabaho sa pagresuma ng pre-trial conference.
“So just to update, nag-start tayo kahapon ng marking of exhibits and hopefully matapos na this coming Monday ‘no, sana matapos ngayong Monday kasi apat na articles of impeachment yan sa atin na isinampa,” sabi ni Luistro.
“Iba ang documentary exhibits per article so ‘yung dalawang mahaba at marami, yan ang aming inihuli sa Monday,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng prosecution na kabilang ang articles tungkol sa public funds at unexplained wealth sa pinakamaraming dokumentong bahagi ng kaso.
“So hopefully matapos ngayong Monday ang marking of exhibits, pag natapos yun ang hihintayin naming is pre-trial order,” sabi ni Luistro.
Pwede pang magkomento ang magkabilang panig sa pre-trial order kung may napag-usapan sa conference na hindi naisama, mali ang pagkakalagay, o kailangang idagdag.
“At dun naman po sa pre-trial kung meron kaming concern medyo may hindi nabanggit, may napag-usapan sa PTC, medyo inaccurate ang nabanggit doon, may gusto kaming ihabol, we can file a comment to that,” paliwanag ni Luistro.
Mahigit 30 posibleng testigo ang natukoy ng House prosecution panel, habang nagsumite rin ang defense team ni Duterte ng sarili nitong listahan ng mga testigo at dokumento bago ang pre-trial process.
“Madami sila at madami din ‘yung testigo ng defense no, but what is important, we are moving forward,” sabi ni Luistro.
Ayon kay Luistro, ang kulang na lamang ay matapos ang exhibit marking at hintayin ang pre-trial order na gagabay sa proceedings.
“Lahat ng issues submitted na at ang kulang na lang matapos itong marking of exhibits at maghintay ng paglabas ng pre-trial order,” ani Luistro.
Giit niya, hindi nagbabago ang petsa ng pagsisimula ng trial.
“Ang pinakaimportante dito para sa kaalaman ng ating kababayan, yun pong start ng trial on July 6, tuloy na tuloy na yan,” giit ni Luistro. /Bistado


