Ipinag-utos ng Department of Agriculture (DA) ang pagsira sa P86.7 million na imported na pulang sibuyas mula China matapos mapatunayang hindi na ito ligtas kainin.
Inirekomenda ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang disposal matapos ang joint inspection kasama ang Bureau of Customs sa Manila International Container Port, kung saan nakitang malala na ang pagkasira ng shipment.
Binubuo ang kargamento ng 26 na 20-foot containers, o 72,215 sako, na humigit-kumulang 650 metriko tonelada. Halos katumbas ito ng isang araw na konsumo ng bansa sa sibuyas.
Mayroon ding hindi nabayarang buwis at taripa na umaabot sa P9.7 million.
Batay sa ulat ng BPI, dumating sa bansa ang shipment noong December 2025 hanggang January 2026 ngunit iniwan ng importer sa pantalan sa hindi pa natutukoy na dahilan.
Dahil sa matagal na pagkakatengga at kawalan ng wastong paghawak, nakita sa kargamento ang sprouting, pagkabulok, amag, pagbabago ng kulay, at matinding mabahong amoy.
Kinumpirma ng laboratory testing na hindi na ito angkop kainin.
Sinuportahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang agarang pagsira sa buong shipment, at iginiit na mas mabigat ang kaligtasan ng publiko kesa sa halaga ng kargamento.
“Malinaw sa resulta ng laboratory analysis na nagdudulot ng seryosong panganib sa kalusugan ang shipment at hindi na ito angkop para sa pagkain ng tao. Hindi natin maaaring payagang makarating ito sa merkado,” ani Tiu Laurel. “Ang nararapat na hakbang ay ang agarang pagsira sa buong kargamento.”
Ayon sa BPI, nagdudulot na rin ng logistical at biosecurity concerns ang shipment dahil sinasakop nito ang mahalagang espasyo sa pantalan habang may panganib ng kontaminasyon at pagdami ng peste.
Sinabi ng mga opisyal na sapat na ang photo at video documentation bilang ebidensya dahil sa lawak ng pagkasira ng kargamento, kaya hindi na kailangan ang karagdagang pagsusuri. /Bistado


