Umandar na ang plano ng Mynt, operator ng GCash, para sa posibleng isa sa pinakamalalaking technology listings sa Philippine market matapos makuha ang board at shareholder approvals para sa initial public offering.
Ayon sa Globe Telecom, inaprubahan ng board nito ang filing ng Mynt registration statement sa Securities and Exchange Commission at listing application sa Philippine Stock Exchange. Inaprubahan din ito ng board at shareholders ng Mynt, subject pa rin sa regulatory approvals at market conditions.
Sa indicative terms, katumbas ng 12 percent ng outstanding common shares ng Mynt after listing ang iaalok sa IPO. Kasama sa offering ang primary at secondary shares, para makalikom ng fresh capital ang kumpanya at mabigyan ng liquidity ang existing shareholders.
Ang Mynt ay suportado ng Ayala Corp., Globe Telecom, Mitsubishi Corp., at Japan’s Mitsubishi UFJ Financial Group. Batay sa naunang funding rounds, nasa humigit-kumulang $5 billion ang established valuation ng kumpanya.
Ayon sa market sources, target ng Mynt ang valuation na hindi bababa sa $8 billion sa IPO, habang inaasahan ang patuloy na paglago ng digital payments, lending, at iba pang financial services.
Kung maabot ito, kabilang ang Mynt sa pinakamataas ang valuation sa mga Philippine-listed technology company at magiging malaking test ng investor appetite sa large-scale technology listings.
Malaki rin ang nakataya sa GCash, na nananatiling dominanteng player sa lokal na digital payments ecosystem. Maaaring maging sukatan ang IPO para sa mga susunod na fintech listings at palalimin ang exposure ng Philippine capital markets sa digital economy.
Inaasahang magtatalaga ang Mynt ng underwriters, advisers, at iba pang transaction partners habang umuusad ang paghahanda para sa offering. /Bistado


