Iniimbestigahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang napaulat na coastal uplift sa Glan, Sarangani matapos ang magnitude 7.8 earthquake na tumama sa Sarangani Province at General Santos City noong umaga ng June 8.
Ayon sa DENR Region XII, magsasagawa ito ng scientific study kasama ang Mines and Geosciences Bureau XII at mga partner na local government units upang suriin ang biglaang pag-angat ng seabed sa baybayin ng Glan.
Nagsimula ang ground validation matapos makatanggap ang Sarangani Bay Protected Seascape Protected Area Management Office ng reports mula sa concerned residents sa Glan noong June 10. Ayon sa mga residente, nanatiling mababa ang sea level at hindi pa bumabalik sa normal mula nang lumindol.
Sa kabila ng nasirang kalagayan ng kalsada, nagsagawa ng coastal survey ang team ng CENRO Glan kasama ang PAMO Protected Area Rangers.
Doon nakita ang mahabang bahagi ng shoreline, coral reef, at seagrass beds na nalantad sa tubig, partikular sa Pangyan Marine Sanctuary sa Barangay Pangyan, Glan.
Ayon sa DENR, nagsisimula nang mamatay ang exposed corals at seagrass beds, kasama ang mga resident organisms gaya ng reef fishes, eels, clams, at shells.
Nagpahayag din ng pangamba ang mga residente sa amoy ng nabubulok na marine life.
Noong June 11, kinumpirma ng aerial survey at ground validation ng DOST-PHIVOLCS at DENR-MGB XII na may coastal uplift sa Barangay Pangyan.
Ayon sa validation, tumaas nang dalawang metro ang seabed at umusad ang shoreline nang 200 metro, dahilan para malantad ang malalawak na bahagi ng coral reefs at seagrass beds.
Sa ngayon, minobilisa na ng SBPS PAMO ang Protected Area Rangers nito para idokumento ang iba pang posibleng coastal uplift o habitat damage sa Sarangani Bay.
Ayon sa DENR Region XII, bubuo ito ng composite team kasama ang MGB XII at partner LGUs para magsagawa ng scientific study sa Glan coastal uplift sa Martes, June 16.
Layunin ng pag-aaral na matukoy ang lawak ng pag-angat ng seabed, ang epekto nito sa marine habitat, at ang pinsalang idinulot nito sa coastal ecosystem ng Glan matapos ang malakas na lindol. /Bistado


