Matatapos bago ang Holy Week sa Abril ang rehabilitasyon ng Kennon Road. Ito ang tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon matapos niyang inspeksyunin ang kasalukuyang kalagayan ng kalsada sa Benguet nitong weekend.
Sakop ng proyekto ang pagkumpleto ng rock shed at tunnel section, pati ang pagkukumpuni sa bahaging napinsala ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Dizon, nakahanda na ang Php270 milyon para sa natitirang 100 metrong rock shed at magsisimula na ang aktuwal na trabaho ngayong linggo. “Kaya naman matapos this year,” aniya, sabay giit na kailangan ayusin ang pundasyon upang matiyak ang tibay ng istruktura.
Ang rock shed ay isang konkretong proteksiyon na itinayo sa gilid ng bundok upang harangin ang mga bumabagsak na bato at lupa. Sinabi ng kalihim na napatunayan nang epektibo ang istrukturang ito sa pagprotekta sa 33.5 kilometrong zigzag road na nagdurugtong sa Rosario, La Union at Baguio City.
“Nakita naman natin na effective ang rock shed. Ang problem lang nabitin dito, ito ang tinamaan,” dagdag niya.
Bukod sa konstruksyon, magpapasok ang DPWH ng mga Japanese consultant upang tumulong sa slope protection at pagdisenyo ng mga kalsadang nakatayo sa matatarik na bahagi ng Cordillera. Ayon kay Dizon, mahalagang pag-aralan ang tamang engineering approach para mabawasan ang soil erosion at landslide, hindi lamang sa Benguet kundi sa iba pang mountainous areas sa bansa.
Ang Kennon Road ay isa sa pangunahing ruta papuntang Baguio at madalas isinasara kapag may landslide. Sa target na matapos ang rehabilitasyon bago ang Semana Santa, layon ng DPWH na masiguro ang mas ligtas at mas tuloy-tuloy na biyahe ng mga motorista at turista na tutungo sa lungsod ngayong peak travel season. /Bistado


