Mas mabilis na bayaran, mas kaunting papel, mas diretso sa account. Ito ang ipinangako sa bagong partnership ng Maxicare Healthcare Corporation at digital bank na GoTyme Bank para sa pagbabayad ng professional fees ng mga doktor.
Nilagdaan ng dalawang kumpanya ang kasunduan para gawing mas simple at digital ang pagproseso ng bayad sa libu-libong doktor na ka-network ng Maxicare. Sa ilalim ng setup, gagamitin ang digital banking platform ng GoTyme para direktang maipadala ang bayad sa mga healthcare provider, imbes na dumaan pa sa mas mahabang manual processing.
Layunin ng hakbang na pabilisin ang turnaround time ng bayad sa mga doktor na naglilingkod sa mga miyembro ng Maxicare. Sa lumang sistema, umaabot sa ilang linggo ang paghihintay bago tuluyang ma-release ang professional fees dahil sa dokumento at verification. Sa bagong arrangement, target na maging mas mabilis at mas transparent ang daloy ng pera.
Ang GoTyme Bank, na isa sa mga bagong digital banks sa bansa, ay kilala sa paggamit ng app-based transactions at real-time account services. Sa pakikipag-ugnayan nito sa isang malaking HMO provider gaya ng Maxicare, pinalalawak ng bangko ang presensya nito sa healthcare payments sector.
Para sa Maxicare, bahagi ito ng mas malawak na digital shift sa operasyon. Bukod sa claims processing at member services, pati ang pagbabayad sa mga doktor ay ililipat na rin sa mas modernong sistema. /Bistado


