Mas pinatibay ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Global Anti-Scam Alliance (GASA) ang kampanya laban sa online scams na tumatarget sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), matapos lagdaan ng dalawang panig ngayong buwan ang isang Memorandum of Understanding sa Bonifacio Global City.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, mas pinalalim ang public-private cooperation laban sa digital fraud.
Layunin ng kasunduan na palakasin ang koordinasyon at palawakin ang public awareness laban sa mabilis na pagkalat ng scam-compound operations sa Southeast Asia. Ang GASA Chapter Philippines ay pinangungunahan ng Globe Telecom at Gogolook, at dati nang nakipagkasundo sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center upang suportahan ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa cybercrime.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, hindi sapat ang babala lamang. Kailangan ng malinaw na impormasyon, pagsasanay, at konkretong proteksyon para sa mga OFW na madalas puntiryahin ng mga sindikato.
Kabilang sa mga hakbang ang mas pinalakas na information drives, digital literacy campaigns, at training sessions upang maturuan ang mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya kung paano matukoy at iwasan ang panloloko online.
Sa panig ng GASA, binigyang-diin nito na ang online scams ay organisadong krimen na tumatawid ng hangganan. Hindi ito simpleng lokal na problema. Dahil dito, kailangan ang mas mabilis na palitan ng impormasyon at mas mahigpit na koordinasyon ng gobyerno at pribadong sektor. /Bistado


