Isang araw bago ang pagsisimula ng klase sa June 8, inihayag ng Department of Education (DepEd) ang malawakang reforms at support measures para sa School Year 2026-2027, na makikinabang ang mahigit 26 million students, higit 45,000 public schools, at halos 900,000 teachers sa buong bansa.
Ayon sa DepEd, kabilang sa mga ipatutupad ngayong school year ang Three-Term School Calendar, Learning Continuity in Emergencies, revised Lesson Planning and Learning Design, updated Assessment and Grading Policy, at nationwide rollout ng Strengthened Senior High School Curriculum.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang layunin ng mga reporma ay gawing mas malinaw ang sistema, mas epektibo ang pagtuturo, at mas tumutugon sa pangangailangan ng mga estudyante.
“Mas titiyakin natin na maayos ang pagkatuto ng mga bata at mas suportado ang ating mga guro. Ginawa natin ang mga repormang ito upang gawing mas malinaw ang sistema, mas epektibo ang pagtuturo, at mas nakatuon sa pangangailangan ng mga mag-aaral,” ani Angara.
Ayon sa DepEd, kaakibat ng mga hakbang na ito ang direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr. na pataasin ang kalidad ng edukasyon at tiyaking handa ang schools, teachers, at learners sa mga hamon ng mabilis na nagbabagong panahon.
Isa sa pinakamalaking pagbabago ang paglipat sa Three-Term School Calendar. Layunin nitong magbigay ng mas mahaba at mas organisadong learning periods, mas maayos na pacing ng lessons, at nakalaang panahon para sa consolidation, remediation, at enrichment activities.
Ipinatutupad din ang Learning Continuity in Emergencies policy. Magbibigay ito ng malinaw na protocols sa mga paaralan para tuloy ang pag-aaral sa gitna ng disruptions tulad ng bagyo, baha, matinding init, lindol, at iba pang emergency.
Para bawasan ang bigat sa teachers, pinasimple rin ng DepEd ang lesson planning gamit ang ILAW Framework, o Intentions, Learning Experience, Assessing Learning, and Ways Forward. Pinaiikli nito ang documentation, ipinagbabawal ang dagdag na templates na lampas sa prescribed standards, at pinapayagan ang responsible use of artificial intelligence bilang support tool habang nananatili ang judgment at accountability ng guro.
Binago rin ng DepEd ang assessment at grading guidelines. Mas bibigyang-diin na ngayon ang learner progress, meaningful feedback, at instructional support. Pinalalakas din ang formative assessment, phased descriptive grading sa early grades, at paggamit ng assessment results para gabayan ang remediation at enrichment.
Ngayong school year din ipatutupad sa buong bansa ang Strengthened Senior High School Curriculum. Layunin nitong magbigay ng mas flexible learning pathways, mas matibay na foundational competencies, mas maraming elective options, at mas maayos na paghahanda sa college, trabaho, entrepreneurship, at lifelong learning.
Kasabay ng curriculum reforms, nakatakda ring makatanggap ang public school teachers ng PhP10,000 Teaching Allowance sa ilalim ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, o Republic Act No. 11997. Isa si Angara sa mga author ng batas noong siya ay senador.
“These reforms go hand in hand with our commitment to improve the welfare of our teachers,” ani Angara. “Habang pinapahusay natin ang sistema ng pag-aaral, sinisiguro rin natin na mas may suporta ang ating mga guro na siyang nasa frontline ng edukasyon.”
Ayon sa DepEd, nakapagsagawa na ito ng nationwide orientations para sa mga field office, school leaders, at teachers. Magpapatuloy din ang technical assistance, learning resources, monitoring support, at feedback mechanisms sa buong school year.
Habang naghahanda ang DepEd, nagpakalat naman ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 55,000 security personnel nationwide para sa ligtas na opening of classes.
“The PNP is fully prepared and strategically positioned for the opening of classes on June 8, having mobilized a robust force of police personnel nationwide under our Oplan Balik-Eskwela framework,” ani PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez.
Ayon sa PNP, nasa 55,507 security officers ang ide-deploy sa buong bansa. Binubuo ito ng 28,751 PNP officers, 4,079 personnel mula sa ibang units, at 22,677 force multipliers mula sa partner agencies at community organizations.
Kasama sa deployment ang high-visibility campus patrols, traffic management, at Police Assistance Desks sa mga paaralan, alinsunod sa instruction ni President Marcos na maramdaman ang police presence sa bawat komunidad.
Para sa mas mabilis na emergency response sa school zones, nag-deploy ang PNP ng 9,525 mobile units at nagtatag ng 9,319 assistance desks sa mga campus nationwide.
Tiniyak din ng PNP sa mga magulang na may security measures para protektahan ang students laban sa real-world at online threats sa pagbabalik-eskwela. /Bistado


